EXCITED na sa nakatakdang homecoming sa January 23 ang ating Miss Universe 2015 na si Pia Alonzo Wurtzbach. Ang head ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) na si Mrs. Stella Araneta ay naghahanda at nakikipag-ugnayan sa mga alkalde ng Quezon City, Manila, Makati at iba pang mga siyudad sa Kamaynilaan para sa magarbong pagsalubong kay Pia.
Sa January 24, haharap si Pia para sa isang grand press conference at sa kasunod na araw ay ang motorcade na inaayos pa sa ngayon ang ruta.
Bago umuwi sa kanyang home province, sa Cagayan de Oro, plano muna niyang pumunta ng Indonesia para sa isang charity event. Bahagi iyon ng kanyang duty as Miss Universe.
Naging busy si Pia simula nang manalo bilang Miss Universe at aniya’y nagsisimula ang kanyang trabaho ng alas singko ng umaga. Ini-enjoy naman niya ang bawat sandali ng kanyang reign as Miss Universe.
Bago pa siya manalo as Miss Universe, ginunita ni Pia ang mga sandaling lagi siyang nagpupunta sa Baclaran Church at hinihingi sa Diyos ang korona ng Miss Universe, na ipinagkaloob naman sa kanya.
Ngayon ay pulos “thank you” na lamang ang kanyang ipinaaabot sa Panginoon tuwing nagdarasal siya.
“Nagpunta ako sa church dito (New York), ‘tapos nag-thank you ako. Kasi ayoko kasi ‘yung every time na nagsisimba ka, palagi ka na lang hiling nang hiling, pero hindi ka nagpapasalamat. So, ako ngayon, puro pagpapasalamat lang ako,” pahayag ni Pia sa isang interview.
“Last request ko na lang siguro is bigyan Niya ako ng strength at wisdom na matuluy-tuloy ko ‘yung responsibility ko. Alam ko namang magkakaroon ng mga challenges, pero bigyan Niya sana ako ng lakas at wisdom to make the right decisions all the time,” pagtatapos ng pinakamagandang babae sa balat ng lupa. (ADOR SALUTA)