Sasabak ang piling-piling delegasyon ng Pilipinas sa unang pagkakataon sa 6th Children of Asia International Sports Games simula Hulyo 5 hanggang 17 sa Yakutsk at Nizhny Bestyakh sa Sakha Republic (Yakutia) ng Russian Federation.

Sinabi ng Philippine Olympic Committee (POC) na magsisilbing Team Philippines chef de mission na si Romeo Magat na sasabak ang Pilipinas sa 12 mula sa paglalabanang 22 sports kung saan malaki ang tsansa na makapag-uwi ng mga gintong medalya.

“We might be sending some 20 to 24 athletes,” sabi ni Magat, na siya ring POC Chairman for Grassroots Sports Development matapos na makipag-usap sa mga opisyales ng 12 national sports associations (NSAs) para sa mga posibleng maging national junior athletes nito na maipadadala sa torneo.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lalahok ang Pilipinas bilang pinakabagong miyembro sa Children of Asia International Sports Games matapos pormal na imbitahan ng mga bansa na opisyales ng torneo upang lumahok Philippine National Youth Games – Batang Pinoy.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makakasama ni Magat ang kapwa POC Director at pangulo ng Pencak Silat Federation na si Celia Kiram bilang kanyang deputy chef de mission.

“It’s like the Olympics of Batang Pinoy dahil 15-years old and below din ang mga kasali,” sabi ni Magat, na secretary-general ng Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA). “Lahat ng mga kasali sa Children of Asia ay iyung mga bata na sinasanay mismo para makaabot sa regular na Olympics,” sabi pa ni Magat.

Matatandaang sorpresang nagtungo sa bansa at tumuloy sa Cebu City ang presidente ng Children of Asia Games International Committee na si Dmitry Glushko at secretary general na si Sergie Khatylykov upang personal nitong maobserbahan at makita ang pagsasagawa ng Batang Pinoy Finals.

Ang Children of Asia ay suportado ni Olympic Committee of Russia president Aleksandr Zhukov, Minister for Education and Science of the Russian Federation Dmitry Livanov, Sakha Republic (Yakutia), Russian Federation President Egor A. Borisov, Minister for Sports of the Russian Federation Vitaliy Mutko at Olympic Council of Asia President Shiek Ahmad Al-Fahad Al-Sabah.

Kabuuang 22 sports ang paglalabanan sa torneo na girls at boys basketball, boxing, volleyball, judo, kurash, track and field / athletics, mas wrestling, table tennis, shooting, powerlifting (paralympic program), Swimming, Sambo, sports wrestling (freestyle wrestling), archery, trap Shooting at taekwondo (WTF).

Kasama rin ang football (boys only), khapsagai (boys only), rhythmic gymnastics (girls only), chess, draughts at ang tradisyunal na sports na yakut national jumps o mas popular sa bansa bilang kandirit o pagtalon ng sunud-sunod na 11 beses sa kaliwang paa lamang.

Hangad ng 6th Children of Asia International Sports Games maipalaganap ang ideya ng Olympic movement, ang development ng mga kabataan at youth sports at mapalakas pa ang international sports cooperation sa lahat ng mga bansa sa Asya at Russian Federation. (ANGIE OREDO)