Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga deboto ng Itim na Nazareno na gamitin ang kanilang debosyon sa pangangalaga ng kapaligiran.

Ito ang paalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, sa mga mananampalataya na makikiisa sa Traslacion 2016 sa kapistahan ng Poong Nazareno sa Sabado, Enero 9.

Ayon kay Pabillo, dapat panatilihin ng mga mananampalataya ang kasagraduhan ng kapistahan at mga gawain sa simbahan, sa pamamagitan ng hindi pagkakalat ng basura.

“Yung Traslacion ay malaking event para sa atin ‘yan, at may vigil pa tayong gagawin dun sa Luneta, at ngayong taon sinasabi ng Santo Papa na dapat nating pangalagaan ang environment, dapat ganun din yung ating mga piyesta sa simbahan, yung ating mga gawain sa simbahan ay dapat pangalagaan din natin ang environment, addition sa pangangalaga natin ay yung hindi pagkakalat ng basura.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“So pakiusap lang sa lahat ng deboto natin sa Poong Nazareno, ipakita din natin ang debosyon natin sa pangangalaga ng ating kapaligiran na nilikha din ng Diyos para sa atin,” ani Pabillo, sa panayam sa Radyo Veritas.

Sa ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA), umabot sa 413 tonelada ang nakolektang basura sa rutang dinaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno noong nakaraang taon. (Mary Ann Santiago)