Kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman ang isang dating alkalde sa Leyte at tatlo pang opisyal dahil sa ilegal na pagwi-withdraw ng P355,000 para sa overtime pay ng mga ito.
Kabilang sa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina Mayor Leonardo Leria, ng McArthur, Leyte; Municipal Treasurer Daisy Caña, Budget Officer Arturo Zamoras, at Accountant Margarita Dagsa.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, ang nasabing salapi ay ini-withdraw para sa overtime pay ng tatlong opisyal mula 2002 hanggang 2004.
Binanggit ni Morales na ang nasabing salapi ay inilaan para sana sa clothing at uniform allowance ng mga kawani ng naturang bayan.
Ginawa ang pagsasampa ng kaso nang matuklasan ng Commission on Audit (CoA) na walang nakalaan para sa overtime service at wala ring supporting documents na awtorisado ang paggamit ng nasabing overtime pay.
Ginamit na dahilan ng CoA ang umiiral na Department of Budget and Management (DBM) Circular No. 10 of 1996, na nakasaad na ang bawat department head ay hindi awtorisadong kumubra ng overtime pay. (Rommel P. Tabbad)