Si Olympic champion boxer Howard Davis Jr., na nakamit ang 1976 gold medal at kinilala ng US teammate na si Sugar Ray Leonard bilang “Most Outstanding Fighter” sa Montreal Games, ay binawian na ng buhay noong Miyerkules (Huwebes sa Pilipinas) sa kanyang tirahan sa United States dahil sa sakit na kanser.
Ito ang kinumpirma ng asawa ni Davis na si Karla Guadamuz-Davis. Si Davis, 59, ay nasawi sa kanyang plantation home habang nakapalibot ang kanyang buong pamilya.
Ang magaling na boksingero ay nadiskubreng may stage four lung cancer noong Pebrero, bago ang kanyang kaarawan at ito ay nagdulot ng masaklap na pangyayari sa dahilang hindi ito naninigarilyo, ayon kay Karla Davis.
Ang kanser ay kumalat na sa kanyang atay, at nagdesisyon na ang kanyang pamilya na itigil na ang pagpapagamot sa ospital nito lamang Linggo.
“We decided to bring him home,” ang pahayag ni Guadamuz-Davis. “He was in my arms.”
Sa 1976 Olympics, si Davis ay naitala bilang pinakamahusay na boksingero, kung saan naungusan nito sa boto ang kanyang teammates na sina Leonard, Michael at Leon Spinks.
Tatlong araw bago ang kanyang itinakdang pagharap sa Montreal Games ay namatay ang kanyang minamahal na ina at kinunsidera noon ni Davis na huwag ng lumaban. Subalit, minabuti nitong lumaban at inihandog ang kanyang lightweight gold medal sa alaala ng kanyang ina.
“It was devastating,” ang naging pahayag ni Davis sa New York Post noong Agosto. “But I remembered her pointing her finger in my face and telling me, ‘You’d better win the gold medal.’ I wasn’t going to be denied. There was no way I was going to lose.”
Maraming mga boxing fanatics ang nagsasabing mas magaling na boksingero si Davis kesa kay Leonard sa star-studded 1976 American team.
Nagretiro si Davis sa boksing noong 1996 na may professional record na 36-6-1, 14 knockout.
Naging trainor siya sa mga mixed martial arts fighter katulad nina Chick Liddell at itinayo rin ng mag-asawang Davis ang Fight Time Promotions MMA company sa Florida kung saan ipinagpatuloy nito ang kanyang pagko-coach kahit na siya pa ang promoter nito.
“I could hear him saying, ‘You’ve got to keep your hands up,’ or, ‘Listen, this is your last fight.’ Promoters don’t usually do that,” ayon kay Mrs. Davis. “He thought it was his duty to make sure the fighters take care of themselves.”
Si Davis ay ipinanganak noong Pebrero 14, 1956 sa Glen Cove, New York. Siya ang panganay sa 10 magkakapatid at ang kanyang ama ay may-ari ng isang youth center sa lugar na humuhubog ng mga amater at professional boxer. - Abs-Cbn Sports