Ni CHARISSA M. LUCI
Kailangang maghintay pa nang mas mahabang panahon ang mga kawani ng gobyerno bago magkatotoo ang hinahangad nilang dagdag-sahod dahil bigo pa rin ang Malacañang na aprubahan ang panukala ng Senado na isama ang mga retiradong tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa isinusulong na karagdagang suweldo.
Sinabi ni House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na ang pag-apruba sa Salary Standardization Law-4 (SSL-4) ay maaantala pa rin kung ipipilit ng Senado na isama ang PNP at AFP retirees sa salary hike proposal na hindi inendorso ni Pangulong Aquino at ng Department of Budget and Management (DBM).
“Baka mahirapang makalusot ‘yung request ng senators, kasi hindi kasama sa original plan. Firstly, the President and the Department of Budget and Management have not endorsed it,” pahayag ni Gonzales.
Aniya, wala ring pondong pagkukunan sa national budget para ilaan sa panukala ng Senado.
Sa ilalim ng P3.002-trilyon General Appropriations Act (GAA) 2016, P57.9 bilyon lang ang inilaan sa pagpapatupad ng unang bugso ng panukalang four-year P226-billion salary increase na dapat nang maipatupad nitong Enero 1, 2016 hanggang Enero 1, 2019.
Sa kabila nito, umaasa si Gonzales na maipapasa pa rin ng Kongreso ang panukala upang makatulong sa financial needs ng 1.53-milyong civilian at military uniformed personnel.
Bigo ang Senado at Kamara na maipasa ang SSL-4 bago ito nag-adjourn noong Disyembre matapos hilingin ng Senado ang pag-apruba sa sariling bersiyon nito ng panukala.
Una nang nagbabala si DBM Secretary Florencio Abad Jr. na lolobo ang alokasyon ng pondo ng gobyerno para sa panukalang salary hike dahil mangangailangan ito ng P226 bilyon sa loob ng apat na taon—P57.906 bilyon sa 2016, P54.393 bilyon sa 2017, P65.976 bilyon sa 2018, at P47.544 bilyon sa 2019.