SIKSIKAN na naman sa mga terminal ng pampublikong sasakyan. Milyun-milyong Pinoy ang bibiyahe pabalik sa Metro Manila habang ang iba ay patungo naman sa kani-kanilang lalawigan matapos magbakasyon sa siyudad.

Parang mga langgam, sunuran nang sunuran. Kung nasaan ang isa, andun din ang lahat.

Wala tayong magagawa dahil ‘yan ay kultura at tradisyong Pinoy na mahirap nang mabali. Ang pakikiisa sa pamilya sa bawat mahalagang okasyon, lalo na kung Pasko at Bagong Taon, ay nakagisnan na ng mga Pilipino.

Subalit mahirap man tanggapin, mayroong mga tradisyong ‘tila hindi nakabubuti bagkus ay nakasasama pa sa buhay ng tao.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mismong si Boy Commute ay napapailing tuwing masisilayan niya ang kaugaliang Pinoy na matagal nang bahagi ng tinatawag na “tradisyon”, pero para sa kanya ay pahirap lang, kung tutuusin.

Isa na rito ay ang kaugalian na dapat mayroong pasalubong tuwing uuwi sa lalawigan upang bisitahin ang ama’t ina o kaya’y mga anak.

Sang-ayon si Boy Commute na magandang kaugalian ang may dalang pasalubong sa ating minamahal sa buhay. Nakahihiya kasi kapag bumisita ka sa bayan na inyong kinalakihan na wala ka namang bitbit para sa iyong kaanak.

Pero tingnan n’yo naman ang itsura ng mga pasahero kung dumagsa sa mga terminal. Halos isang truck ang dala-dalang pasalubong na mismong sila ay hindi kayang buhatin.

Oo nga’t para sa mga mahal n’yo sa buhay ang mga ‘yan, pero hindi n’yo dapat pahirapan ang inyong sarili nang sukdulan.

Sa pagsakay pa lang sa taxi, awang-awa na si Boy Commute dahil hindi magkasya sa trunk ng sasakyan ang mga kahun-kahon na regalo.

Pagdating sa terminal, hindi mabuhat nang mag-isa ang mga dala-dalahan upang maikarga sa bus. Dahil sa katarantahan, may naiiwan pang gamit sa taxi.

Ipagdasal n’yo na makasakay kayo sa isang honest driver upang tawagan kayo kung sakaling may contact number sa mga bagaheng naiwan.

At kung mamalasin, hihingan ka pa ng ransom money upang tubusin ang mga naiwang gamit.

Sa hirap kumuha ng sasakyan, bumiyahe at makarating nang ligtas sa patutunguhan, kailangan ngayon ay tamang diskarte. Kailangan ay maging praktikal.

Masdan n’yo ang mga katabi n’yo sa bus terminal. Walang ngumingiti, puro nakasimangot.

‘Yan ay dahil sa stress at pagod sa pagbubuhat ng bultu-bultong bagahe at mahabang oras ng paghihintay ng bibiyaheng bus.

Iwasan nating ma-stress. Dahil sa inyong pagbalik sa Maynila, matinding stress pa rin ang naghihintay sa inyo.

(ARIS R. ILAGAN)