MAGTATAPOS ang taong 2015 mamayang hatinggabi sa karaniwan nang kasiyahan na hudyat ng pagwawakas ng isa na namang taon at pagsalubong sa panibago. Anumang paghihirap ang ating hinarap sa nakalipas na taon, ang bagong taon ay laging naghahatid ng pag-asa para sa isang bagong simula.

Ito ang natukoy sa resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia sa unang bahagi ng buwang ito, na 89 na porsiyento ng respondents ang nagsabing haharapin nila ang bagong taon nang puno ng pag-asa. Ito ang nag-uumapaw na sentimyento ng lahat sa buong Pilipinas—mula sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng Luzon hanggang sa Visayas at Mindanao.

Kung mayroon mang bahagi ng bansa na mapanglaw sa panahong ito, ito ay ang Mindanao. Sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero ay 44 na tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police ang napatay sa pakikipaglaban sa armadong grupo habang nasa misyon para arestuhin ang isang Malaysian terrorist bomber. Nitong Disyembre 26, isa sa mga armadong grupo—ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters—ang pumatay sa pitong magsasaka at dalawang sibilyan sa magkakasabay na pag-atake sa Sultan Kudarat, Maguindanao, at North Cotabato, kaya naman mismong si Pope Francis ang kumondena sa nasabing pagpaslang sa mga inosenteng sibilyan sa Mindanao at nagpaabot siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.

Gayunman, natukoy sa survey ng Pulse Survey na ang mamamayan ng Mindanao ay may mataas na 88 na porsiyenton ng pag-asa para sa darating na taon. Ito ay 95 porsiyento sa Metro Manila, 89 porsiyento sa iba pang bahagi ng Luzon, at 85 porsiyento sa Visayas.

Sumalanta rin ang mga kalamidad sa nakalipas na taon, ang pinakamapaminsala ay ang bagyong ‘Lando’ sa Luzon, na pumatay ng 58 katao. Mayroon ding mga trahedyang likha ng tao, gaya ng pagkamatay ng 74 manggagawa sa isang pabrika ng tsinelas sa sunog sa Valenzuela City. Mayroon ding mga insidente ng korupsiyon sa gobyerno, at sinampahan ng mga kaso ang ilan pang mambabatas kaugnay ng Priority Development Assistance Fund o pork barrel scam na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles.

Ngunit noong 2015 din bumisita si Pope Francis ng Enero, na nagpasigla sa diwa ng buong bansa, kahit pa sa Metro Manila at Leyte lamang siya nagtungo. Nasaksihan naman sa mga sumunod na buwan ang pagdagsa ng record na limang milyong turista sa bansa. Inantabayanan din natin ang isa-isang pagpapakilala ng mga kandidato sa pagkapangulo para sa susunod na eleksiyon. At sa wakas, makalipas ang 42 na taon, mayroon uli tayong Miss Universe sa katauhan ni Pia Alonzo Wurstbach.

Sa harap ng mga tagumpay at trahedya, pag-asa at pagkabigo, at kaligayahan at kapighatian, isang magandang taon ang 2015. At lagi itong may magandang lugar sa ating alaala at sa ating kasaysayan. Panahon nang umasam para sa kinabukasan—bukas, Enero 1—para sa bagong taon, ang 2016.