Itinaas ang Alert Level 1 (Precautionary Phase) sa Pakistan nitong Martes kaugnay sa bilang, lawak at kalubhaan ng mga insidente sa loob at mga banta sa labas ng bansa, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Inilalabas ang Alert Level 1 kung mayroong valid signs ng internal disturbance, instability, at external threat sa host country. Inalerto ang mga Pilipino na maging mas maingat.

Ayon sa DFA, handa ang Philippine Embassy sa Islamabad na umayuda, kung kinailangan, sa tinatayang 1,284 na Pilipino sa Pakistan.

Inanunsyo ng counterterrorism authorities sa Pakistan na inaresto nila ang isang grupo ng 13 pinaghihinalaang militante na nagpapatakbo ng isang recruiting at training facility para sa Islamic State (IS) sa lungsod ng Sialkot, Punjab, ang pinakamataong probinsiya ng bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iniulat na nakatagpo ang security forces ng isang underground training center at nasamsam ang mga automatic weapon, communication equipment, bomb-making material, laptop, CD na naglalaman ng mga IS propaganda material, mapa ng mga military base at iba pang pasilidad ng Pakistan.

Umamin ang mga nahuling suspek na sumumpa sila ng katapatan sa lider ng IS na si Abu-Bakr Baghdadi at nagbabalak ng malalaking pag-atake laban sa Pakistani security forces. (Roy Mabasa)