Ni RACHEL JOYCE E. BURCE

Inihayag kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos na umabot sa P150 milyon ang gross sales ng walong entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa unang araw ng pagpapalabas ng mga ito.

Sa programa sa radyo, sinabi ng MMDA chief na kabilang sa top 4 highest grosser sa unang araw ay ang “Haunted Mansion”, sa direksiyon ni Jun Lana; “My Bebe Love” ni Jose Javier Reyes; “Beauty and the Bestie” ni Wenn Deramas; at “All You Need is Pag-ibig” ni Antonette Jadaone, na hindi ayon sa pagkakasunod ng laki ng kinita.

“Hindi namin muna ihahayag ang mga top grosser sa ngayon. Ihahayag lang namin ‘yan sa huling araw ng film fest sa Enero 7,” ayon pa kay Carlos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ito ay upang maproteksiyunan ang iba pang pelikula at maiwasan ang ‘snowball effect.’ Alam namin na posibleng panoorin lang ng mga Pinoy ang top grosser at balewalain ang iba,” dagdag niya.

Subalit naiulat sa isang news website na top grosser ang “My Bebe Love”, na pinagbibidahan nina Vic Sotto, Ai Ai de las Alas at ng phenomenal “AlDub” love team nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza na kumita ng mahigit P60 milyon sa opening day. Ito ay halos kalahati ng kinita ng lahat ng pelikula ng MMFF sa unang araw.

Sinabi rin ni Carlos na mas malaki ang kinita ng MMFF nitong Biyernes, kumpara noong nakaraang taon na umabot lang sa P147 milyon ang opening day.

“Medyo nagtaas tayo ngayon. We’re expecting na dadami pa po ito,” ani Carlos.

Ang top 4 box office film noong 2014 ay kinabibilangan ng “The Amazing Praybeyt Benjamin” na pinagbidahan ni Vice Ganda; “Feng Shui 2” nina Kris Aquino at Coco Martin; “My Big Bossing” nina Vic Sotto at Ai Ai Delas Alas; at “English Only, Please” nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay.

Samantala, naalog sa kontrobersiya ang MMFF dahil sa umano’y “ticket swapping” sa ilang sinehan sa unang araw ng pagpapalabas ng mga pelikula.

Matapos pabulaanan ng mga organizer ng film fest ang nasabing kontrobersiya, kinondena naman ng movie industry ang pagkaka-disqualify ng “Honor Thy Father” sa Best Picture category ng MMFF Awards kagabi.