Kasabay ng pagdiriwang ng Pasko, nanawagan ang Eastern Mindanao Command noong Biyernes sa New People’s Army (NPA) na umiwas sa pag-atake sa mga military unit at tuparin ang kanilang idineklarang Yuletide truce.

Inilabas ang panawagan kasunod ng mga pag-atake ng mga rebeldeng NPA sa dalawang military detachment at isang community security patrol, lahat noong Disyembre 23; ang unang araw ng idineklarang ceasefire ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Naunang nagdeklara ang CPP ng 12-araw na unilateral ceasefire mula Disyembre 23, 2015 hanggang Enero 3, 2016.

Sa mga pag-atake noong Disyembre 23, sinalakay ng mga puwersa ng NPA ang isang military detachment sa Barangay Bitaugan, San Miguel, Surigao Del Sur dakong 9:20 ng umaga, isa pang detachment sa Barangay White Kulaman, Bukidnon dakong 6:15 ng umaga, at inatake ang mga tropa ng Army na nagpapatrulya sa Barangay Sumimao, Paquibato District, Davao City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Capt. Alberto Caber, Eastern Mindanao Command public affairs office chief chief, na nangyari ang mga pag-atake kasabay ng pagsuspinde ng EMC sa kanyang offensive operations bilang pagsunod sa 12-day suspension of military operations (SOMO) na inanunsyo ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Disyembre 18.

Ang idineklarang SOMO ng gobyerno ay nagsimula sa hatinggabi ng Disyembre 23 at magtatapos sa hatinggabi ng Enero 3, 2016.

Sa kabila nito, tiniyak ng EMC sa publiko na patuloy itong aayuda sa pagpapatupad ng batas at sa mga aktibidad sa para sa kapayapaan at kaunlaran. - PNA