Binati ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao noong Martes ang newly-crowned Miss Universe na si Pia Wurtzbach sa pagpapakita nito ng “grace under pressure” sa gitna ng kalituhan sa mismong momento ng pinale ng kompetisyon.

Si Wurtzbach ang ikatlong Pilipina na nakuha ang Miss Universe crown, subalit ang kanyang “winning moment” ay nagkaroon ng kalituhan makaraang magkamali ang host ng beauty pageant na si Steve Harvey sa pagbanggit ng tunay na nanalo kung saan si Miss Colombia ang una nitong pinangalanan bilang Miss Universe.

Nasa ulo na ni Miss Colombia, Ariadna Gutierrez ang korona at nailagay na rin ang Miss Universe sash at nagsimula nang kumaway at mag-flying kiss sa mga tao nang bigla na lamang magsalita si Harvey at klaruhin ang kanyang pagkakamali. Itinama nito ang kanyang anunsiyo kung saan sinabi niya na si Miss Philippines ang nanalo at hindi si Miss Colombia.

“Courage is grace under pressure – this is what Pia showed in the middle of the confusion and controversy that marked her coronation as the new Miss Universe,” ang pahayag ni Pacquiao sa PhilBoxing.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“Miss Wurztbach… displayed extraordinary pose and composure when the initial announcement was corrected (and) humility when she was, with finality, adjudged as the official winner,” dagdag pa nito.

Naaalala pa ni Pacquiao ang pangako ni Wurtzbach sa tweets nito na “Kalma lang guys. Ako bahala. Babawi tayo sa Miss Universe!!” makaraang talunin si Pacquiao ni Floyd Mayweather Jr., sa ginanap na laban ng dalawa na tinaguriang “Fight of the Century” noong Mayo.

“Ipinangako niya ‘yun, at tinupad niya,” ang sabi ni Pacquiao.

Ang panalo ni Wurztbach ang pinaghuhugutan ngayon ng inspirasyon at motibasyon para kay “Pacman” na nakatakdang harapin ang kanyang huling laban sa Abril 9 bago ito mag-focus sa kanyang political career.

“Ang masasabi ko lang ay tatandaan ko ang mga ‘yun, which I intend to use as an inspiration and additional motivation for me in my next fight,” ani Pacquiao.

“Kung kaya nga’t ipinangangako ko rin sa kaniya na inia-alay ko sa kanya at sa mga kababayan natin ang susunod kong laban, at pipilitin ko ring ipanalo alang-alang sa bayan,” ang pangako pa nito.

Si Pacquiao, na tatakbo bilang senador sa darating na eleksiyon sa Mayo 2016, ay hindi pa pinapangalanan ang kanyang kalaban sa boksing sa Abril. (Abs-Cbn Sports)