WALANG nanalo sa isang pandaigdigang kompetisyon na hindi napag-isa ang kanyang bansa. Nitong Lunes, mayroon tayong ganito—si Pia Alonzo Wurtzbach ng Cagayan de Oro City na kinoronahang Miss Universe 2015—at napanalunan niya ito sa isang napakadramatikong paraan.
Paborito si Pia sa mga forecast sa United States at sa London ngunit nang ihayag ng pageant host na si Miss Colombia ang nanalo, handa siyang tanggapin ang kanyang pagkatalo. Ngunit nagbalik sa entablado ang host, sinabing nagkamali siya nang ihayag na si Miss Colombia ang nagwagi. Si Miss Philippines ang tunay na nanalo.
Isang gulat na gulat na Miss Philippines ang pinutungan ng korona matapos itong pansamantalang iputong kay Miss Colombia. Kalaunan, sinabi niyang dahil kinakatawan na niya ang Miss Universe organization, siya na mismo ang humingi ng paumanhin dahil sa nangyaring pagkakamali.
Si Pia ang ikatlong Pinay na kandidata na nag-uwi ng korona ng Miss Universe kasunod nina Gloria Diaz noong 1969 at Margie Moran noong 1973. Matapos ang mga pagkapanalong ito, pumasok sa Top 5 ang mga kandidata ng Pilipinas noong 2010, 2011, 2012, at 2013. Ngunit ang pinakamalaking premyo—ang korona ng Miss Universe—ay naging mailap sa mga kandidatang Pinay sa loob ng 42 taon.
Samantala, sa iba pang international beauty pageant, nagpakita rin ng husay ang Pilipinas. Nariyan si Gemma Cruz na nanalong Miss International noong 1964, si Melanie Marquez na Miss International 1979, si Aurora Pijuan na Miss International 1970, Lara Quigaman na Miss International 2005, Bea Santiago na Miss International 2013, Megan Young na Miss World noong 2013, Angelia Ong na Miss Earth 2015, kasama ang napakaraming iba pa na nagsipagwagi sa mga bagong patimpalak, gaya ng Miss Globe International, Miss Supranational, at Miss Tourism International.
Ngunit ang pagkapanalo ni Pia ay makabagbag-damdamin, dahil halos kalahating siglo ang hinintay para muling magkaroon ng Pinay na Miss Universe, pagkatapos nina Gloria Diaz at Margie Moran. Ang mga pambihirang pangyayari sa coronation night ngayong taon ay tunay na nakapanlulumo, partikular para kay Miss Colombia na napaasa nang nasungkit niya ang karangalan sa loob ng ilang minute bago inihayag ng pageant host ang kanyang pagkakamali.
Sa kabila ng nakagugulat na pagkakamali, kumilos nang maayos si Miss Philippines, hindi nagpakita ng anumang pagbubunyi na karaniwan na sa mga nananalo ng titulo, at sa halip ay lumapit para makisimpatiya kay Miss Colombia.
Napanalunan ni Pia ang korona dahil sa pinagsamang ganda at talino niya. Sa hindi inaasahang pagkakamali sa pagwawakas ng patimpalak, ipinakita rin niya ang kanyang puso, nang makiisa siya sa iba pang kandidata sa pakikisimpatiya kay Miss Colombia matapos na buong pakumbabang tanggapin ang kanyang korona.