Simula ngayong araw, Disyembre 21, ay naka-Code White Alert na ang lahat ng mga retained hospitals, regional offices at mga pasilidad ng Department of Health (DoH) para sa Kapaskuhan.

Sa ilalim ng Code White Alert, lahat ng hospital personnel sa buong bansa ay nakaantabay para sa deployment at augmentation kung kakailanganin.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Health Secretary Janette Garin ang publiko na gawing ligtas ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at umiwas sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon para hindi madisgrasya.

Dapat rin aniyang maging maingat laban sa mga karamdaman tulad ng respiratory infections na maaaring makuha ngayong holiday, na malamig ang panahon, at may mga pag-ulan pang nararanasan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Payo niya, magsuot ng akmang damit kapag nagsisimbang-gabi, na umaalis ng bahay ng madaling araw, gayundin ang mga dumadalo ng mga Christmas party, sa gabi dahil malamig ang panahon ngayon.

Kung may lagnat, ubo at sipon, magpatingin agad sa doktor at umiwas sa matataong lugar upang makaiwas sa kumplikasyon.

Hindi rin dapat kalimutan ang personal hygiene ng mga nasa evacuation centers, dahil sa pagbaha na dulot ng bagyong Nona at Onyok.

Ayon kay Garin, mas mabuti kung pakukuluan muna ang iinuming tubig para makaiwas sa anumang sakit at i-breastfeed ang sanggol dahil ito ang pinakamabuti at pinakaligtas na pagkain para sa kanila.

Sa mga residente sa mga binahang lugar, umiwas sa paglusong sa maruming tubig lalo na kung may sugat para makaiwas sa Leptospirosis na nakukuha sa ihi at tae ng daga na humahawa sa tubig baha, aniya pa. - Mary Ann Santiago