A_Pia Wurtzbach_Requintina_171215 copy

ISANG araw matapos ang preliminary competition, isa na ngayon si Binibining Pilipinas Pia Alonzo Wurtzbach sa tatlong kandidata na napipisil para manalo sa 2015 Miss Universe sa Lunes, batay sa mga online betting firm sa London at Amerika.

Pinaboran ng mga kritiko at netizens si Pia, tubong Cagayan de Oro City, na nagpakitang-gilas sa swimsuit at evening gown preliminary competitions ng pageant.

Gayunman, walang epekto ang online bets sa pagpili ng mga mananalo sa alinmang major beauty pageant.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pinuri ng pageant fans ang mahusay na pagdadala ng Filipino-German beauty sa pulang evening gown na nilikha ng Pinoy designer na si Oliver Tolentino, na kabubukas lang ng bagong boutique sa Beverly Hills.

Nagsuot din si Pia, 26, ng national costume na disenyo naman ng Pinoy din na si Albert Andrada.

Dalawang linggo bago ang finals, napabilang si Pia sa Top 10 favorite candidates ng pageant.

Naglalaro sa una at ikalawang puwesto si Pia sa ranking ng online betting firms na kinabibilangan ng Sports.bet.com., BETDSI, Paddypower.sport, Gambler’s Space, Bet365, at iba pa.

Bukod kay Pia, napipisil din para maging susunod na Miss Universe ang mga kandidata ng Australia, Brazil, Colombia at USA.

BIKINI COMPETITION, BAWAL NA SA MISS WORLD

Samantala, mapapanood ngayong Sabado ng gabi ang 2015 Miss World beauty pageant sa Crown of Beauty Theater sa Sanya, China tampok ang bagong format na nag-aalis sa iconic bikini category makalipas ang 65 taon.

Sina 2013 Miss World Megan Lynne Young at Tim Vincent ang hosts ng tatlong oras na grand show.

“It is an honor hosting Miss World for two years in a row. Not every Miss World gets a chance to do this so I think it is a great opportunity that Julia Morley has given me and entrusted me with. I absolutely love the competition, it amazes me how every year is so different. From what I’ve seen, this year’s production is going to the best yet,” sabi ni Megan, na bida sa primetime teleserye ng GMA-7 na Marimar.

Makikipagtagisan ang Filipino-Chinese model na si Hillarie Danielle Parungao, 24, ng Nueva Vizcaya, laban sa 113 contestant mula sa iba’t ibang bansa.

May taas na 5’6”, itinatag ni Hillarie ang non-government organization na “Katuwang” na isinumite niya sa Beauty With The Purpose category ng pageant. Hangad niyang matuldukan ang child mortality. (ROBERT R. REQUINTINA)