Babala ng mga doktor: Ang Pasko ang pinakamasaya subalit ito rin ang panahon na pinakamarami ang namamatay dahil sa sobrang kinain, ininom at pagdalo sa party.

Dahil maraming inaatake sa puso o tinatamaan ng stroke tuwing Pasko at Bagong Taon, nagiging popular ang mga katagang: Merry Christmas Coronary, Happy New Year Heart Attack.

Ito ang dahilan kung bakit naglabas ng babala ang Philippine College of Physicians (PCP) Foundation bunsod ng epekto ng tinatawag na “holiday stress” bunsod ng matinding traffic, pagsisiksikan sa mga shopping mall, at sobrang dinadaluhang pagsasalo.

“Ang malamig na panahon ay hindi lamang ang sanhi ng pagdami ng cardiovascular cases. Lumitaw sa sunud-sunod na pag-aaral na ang dahilan ay holiday stress, polusyon, at pinakamahalaga sa lahat, ang pagkain at iniinom na alcohol,” ayon kay Dr. Tony Leachon, pangulo ng PCP Foundation.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“At dahil sa sobrang kinain at ininom, emergency room ang tuloy dahil sa palpitation at pagkahilo—mga sintomas ng ‘holiday heart’,” aniya.

Masuwerte ang iba na agad na kusang bumabalik sa normal ang kanilang pulso matapos makaranas ng palpitasyon sa loob lamang 24 oras.

“Subalit ang iba ay ospital agad ang bagsak upang masubaybayan ang kanilang kondisyon, at kung malala, ay kakailanganin ng electric shock. Hindi ganito ang nais mo sa Pasko,” dagdag niya.

Ang mga sumusunod ang health tips ng PCPF ngayong holiday season:

*Tigilan ang paninigarilyo.

*Umiwas sa maaalat na pagkain.

*Mag-ehersisyo araw-araw, kahit 30 minuto

*Huwag uminom nang sobrang alak.

*Tiyakin ang regular na pagbisita sa doktor.

*Magdala ng gamot tuwing bibiyahe.

*Alamin ang lokasyon ng mga medical facility sa mga lugar na pupuntahan o kunin ang contact number ng inyong doktor.

*At kung may nararamdamang hindi kanais-nais, huwag itong balewalain. (Charina Clarisse L. Echaluce)