HALOS mabaliw si Boy Commute nang maipit na naman sa traffic sa kanyang biyahe pauwi nitong Martes.
Habang ilang oras na hindi gumagapang o halos hindi na gumagalaw ang mga sasakyan, nasa loob ng pampasaherong jeep si Boy Commute na pinipiga ang kanyang pasensiya kasama ang iba pang pobreng pasahero.
Biyaheng Fort Bonifacio-Guadalupe ang sinasakyang jeep ni Boy Commute nang muli itong maipit sa traffic.
Wala nang ngumingiti, halos lahat nakikinig sa kanilang MP3 at pilit na inaaliw ang sarili.
Halos dalawang oras na si Boy Commute sa kanyang sinasakyan at tatlong ikot na rin ang kanyang pinakikinggang music.
Sa halip na nakaaaliw, nakaririndi na ang dating ng sounds sa kanyang earphone.
Nang mapansin niyang hindi na gumagalaw ang traffic, bahagyang pumihit si Boy Commute sa kanyang kinauupuan at sumilip sa bintana ng sasakyan. Bahagya itong ikinairita ng kanyang katabi subalit matapos ang ilang segundo, nakiusyoso na rin ang “ale.”
Ilang metro lamang ang distansiya ay nakita nila ang nakabalandrang sasakyan na sinalubong ang opposite lane na naging dahilan ng stand still traffic. Halos sabay-sabay na nakapagbitiw ng mura ang mga pasahero, mistulang chorus sa isang dula.
“P____ta!” binigkas ng “ale” na mas malutong pa sa pagbigkas ni John Arcilla sa pelikulang “Heneral Luna.”
Nagngitngit ang lahat sa galit at halos lusubin na ang pasaway na driver na nakasakay sa isang sedan na tinted ang lahat ng bintana.
Naghihintay ang lahat kung may bababa sa sasakyan para lusubin ang driver ng sumalubong na sasakyan
Nang umabot na sa mahigit kalahating oras na walang galawan ang mga sasakyan, isa-isang bumaba ang driver ng ibang sasakyan. At sa halip na mangyari ang kinakatakutan ng marami na kuyugin ang “ungas” na driver, kanya-kanyang mando ng trapiko ang ginawa ng nagsibabaang driver.
Sa pamamagitan ng pakiusapan at diplomasya, nilapitan ng mga ito ang mga driver ng ibang sasakyan upang isiksik ang pagkakaposisyon ng bawat kotseng naipit para magkapuwang sa intersection at gumalaw na ang trapik.
Turo dito, turo doon. Konting pagmamando pa ay mistulang bumukas ang pinto ng langit nang magkaroon na ng espasyo sa panulukan upang makadaan ang isang sasakyan. Matapos makasingit ang una, sunud-sunod nang nakalusot ang mahabang pila ng mga kotse at jeepney.
Hanggang sa umusad ang traffic ay hindi naglakas ng loob ang pasaway na driver na ibaba ang tinted glass ng kanyang kotse. (ARIS R. ILAGAN)