Nagtala si Kawhi Leonard ng 22-puntos upang bitbitin ang San Antonio Spurs tungo sa dominanteng 118-81, panalo kontra sa Utah Jazz nitong Lunes ng gabi.

Buong laro na kinapitan ang abante at hindi man lamang naghabol ang San Antonio Spurs tungo sa pagpapaganda sa kanilang rekord sa 21-5, panalo-talo, na ikalawang pinakamagandang pagsisimula sa kasaysayan ng koponan at perpekto rin nitong 13-0 na home record.

Nag-ambag sina LaMarcus Aldridge at Tony Parker ng 18- puntos kada isa sa Spurs habang nanguna naman si Derrick Favors para sa Jazz na may 10-13, panalo-talong rekord ,sa iniuwi nitong 16- puntos.

Nagawa namang itala ng San Antonio ang pinakamalaking abante sa 46- puntos habang pinanatili nito ang pagiging numero uno sa liga sa depensa.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagawa ding limitahan ng Spurs ang 13 sa kanilang nakalipas na 14 na kalaban na hindi nakakalampas sa 100-puntos at nangunguna sa mahigit na 20- puntos sa nakalipas nitong limang laban.

Samantala, umiskor si Will Barton ng kabuuang 23- puntos kabilang ang dalawang panalong free throws sa huling 13.5 segundo upang itulak ang Denver Nuggets na pigilan ang Houston Rockets, 114-108, noong Lunes ng gabi sa laban kung saan naganap ang insidente panghahagis ng sapatos.

Itinala ni Gary Harris ang kanyang career-high 21- puntos upang tulungan ang Nuggets na makumpleto ang tatlong larong pagwawalis sa Rockets sa kanilang season series.

Nakabangon naman sa laban ang Rockets sa malaking kabiguan matapos ihagis ang isang sapatos sa ikaapat na yugto. Ito ay nang aksidenteng mahubad ang sapatos ni Trevor Ariza sa natitirang 4:53 segundo ng laro kung saan naghahabol ang koponan sa 15- puntos.

Dinampot ni Barton ang sapatos at itinapon sa labas ng court upang hindi mapatid na naging dahilan naman para bigyan ito ng technical dahil sa delay of game.

Dahil dito, nakalapit ang Rockets sa 108-110 at nagkatsansa pa na maagaw ang abante subalit sumablay si Jason Terry sa isang 3-pointer sa natitirang 15.9 segundo bago tinapos ni Barton ang laban sa free-throws.

Nagwagi ang Indiana kontra Toronto, 106-90, habang nakaungos ang Los Angeles Clippers kontra sa Detroit Pistons, 105-103. Panalo rin ang Miami kontra sa Atlante, 100-88, habang tinalo naman ng Chicago ang Philadelphia, 115-96.

Panalo rin ang Memphis kontra sa Washington, 112-95, habang tinambakan ng Dallas ang Phoenix, 104-94. (ANGIE OREDO)