MAKATARUNGANG sabihin na dahil sa pagdami ng ospital, na bunga ng pagpasok ng malalaking negosyante, ay gumaganda ang kalagayang pangkalusugan ng mga Pilipino.
Ayon sa Geoba.se, ang mga Pilipinong isinilang ngayong 2015 ay may life expectancy na 72.75 taon. Ito ay malaking pagbabago mula sa 68.5 taong life expectancy ng mga Pilipino noong 2012, ayon sa taya ng UNICEF.
Gayunman, mahigit 16 na taon ang ikli ng Pilipinas sa life expectancy ng mga taga-Monaco, na inaasahang mabubuhay ng hanggang 89.52 taon, nangunguna sa 200 bansa.
Ang mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa Department of Health, ay ang diseases of the heart, diseases of the vascular system, pneumonia, malignant neoplasms/cancers, TB, aksidente, chronic obstructive pulmonary disease, diabetes mellitus, nephritis/nephritic syndrome at sakit sa baga.
Maraming pasyente ang dumaraan sa mahaba at magastos na gamutan at matinding sakit bago mamatay, kaya ang ibang labis ang nararamdamang hirap ay nakikiusap na pabayaan na silangmamatay.
Nangyayari rin ito sa ibang bansa, kaya pinalalakas ng karamihan ng mga gobyerno ang tinatawag na palliative care.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang palliative care ay tumutulong sa mga pasyenteng may sakit na nakamamatay at sa kanilang pamilya upang mabawasan ang paghihirap na pisikal at emosyonal.
Tinukoy ng Economic Intelligence Unit (EIU) ang dalawang mahahalagang pagbabago sa maraming bansa sa larangan ng kalusugan: pagdami ng matatanda at pagdami ng dinadapuan ng mga sakit na hindi nakahahawa.
Sa pangalawang pagkakataon mula noong 2010, inilathala ng EIU ang 2015 Quality of Death Index, at sinukat ang 80 bansa batay sa mga programa para sa magkaroon ng mabuting buhay ang mga malubha ang kalagayan.
Gaya sa pag-aaral noong 2010, nanatiling nangunguna ang United Kingdom sa 2015 Quality of Death Index. Ang Pilipinas ay nasa ika-78 puwesto, mataas lang sa Bangladesh (No. 79) at sa Iraq (No. 80).
Sa aking pananaw, nananatili ang mga hamon sa gobyerno at pribadong sektor upang patuloy na itaas ang kalidad ng kalusugan ng mga Pilipino.
Ayon sa WHO, ang mga pribadong ospital ay nagseserbisyo sa 30% ng populasyon, na binubuo ng mga mamamayan na may kakayahang magbayad sa mga doktor at pasilidad.
Ang mas malaking bahagi, o 70% ng mga Pilipino,ay umaasa sa mga ospital ng pamahalaan para sa pagpapagamot.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sawww.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)