Magsisimula nang tumanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng aplikasyon para sa gun ban exemption, kaugnay eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ayon sa Comelec, magiging epektibo ang gun ban kasabay ng pagsisimula ng election period, o mula Enero 10, 2016 hanggang Hunyo 8, 2016.
Alinsunod sa gun ban, mahigpit na ipagbabawal ng Comelec ang pagdadala at pagbibiyahe ng mga baril at iba pang deadly weapons sa labas ng tahanan.
Bawal din muna ang pagkuha ng mga security personnel o bodyguards sa panahon ng election period.
Pansamantala ring suspendido sa naturang panahon ang pag-iisyu ng firearms licenses, permits to carry outside residence, Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR), Mission Orders, Letter Orders (LO), at Acknowledgement Receipts.
Awtomatikong exempted sa gun ban ang presidente at bise presidente ng bansa, mga senador at mga kongresista, mga cabinet secretary, chief justice at mga mahistrado ng Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan at Court of Tax Appeals, gayundin ang mga hukom ng mga regional trial court at municipal, metropolitan at circuit trial courts.
Exempted din ang iba pang mga opisyal ng gobyerno at mga naka-duty at naka-unipormeng tauhan ng pulisya, National Bureau of Investigation, Presidential Security Group, at iba pa.
Ang kumpletong listahan ng mga exempted sa gun ban ay makikita sa ilalim ng Rule III, Section 1 ng Comelec Resolution 10015.
Ang mga nais namang ma-exempt sa gun ban ay dapat na kumuha ng gun ban exemption sa Comelec, sa pamamagitan ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), na may eksklusibong kapangyarihan na mag-isyu ng Certificates of Authority (CA).
Ayon sa poll body, ang aplikasyon para sa gun ban exemption ay maaaring gawin online o sa website ng Comelec na www.comelec.gov.ph.
Ang sinumang lalabag sa gun ban ay maaaring maharap sa parusang pagkabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon, permanent disqualification mula sa public office, pagkawala ng karapatang bumoto at permanent disqualification sa pagkuha ng lisensiya at permit para sa baril. (Mary Ann Santiago)