Dalawang Pilipinong golfer ang nadagdag sa listahan ng mga pambansang atleta na lehitimong nakapagkuwalipika upang magtangkang iuwi ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa gaganaping 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil.

Ito ay ang mga propesyonal na golfer na sina Angelo Que at Jennifer Rosales.

Inihayag mismo ni National Golf Association of the Philippines (NGAP) president Carlos Coscolluela, Jr., kasama ang secretary general na si Jose Iñigo sa pagdalo nito sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kung saan ipinaalam din nito ang paglulunsad ng ika-98th Philippine Open.

“Based on the rules of the IOC, our golfers Angelo Que and Jennifer Rosales, on their recent rankings had qualified to the Olympics,” sabi ni Coscolluella Jr. “It was not us (NGAP) that gave them ranking but the golfers themselves as they continually compete in the golf tour,” sabi pa ni Coscolluela Jr.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ipinaliwanag naman ni Iñigo na nakareserba sina Miguel Tabuena at Antonio Lascuña bilang posibleng kapalit kay Que kung hindi ito makalalaro o kung may isang mababakanteng puwesto para sa rehiyon ng Asia.

“Sila kasi ang nasa itaas ng Order of Merit or rankings so halimbawa na walang nakapag-qualify sa kalapit nating bansa o may umayaw, tayo ang posibleng makapalit,” sabi ni Iñigo.

Bunga ng pagkakakuwalipika nina Que at Rosales, umangat sa kabuuang apat na atleta na ang magrerepresenta sa Pilipinas sa kada apat na taong Olimpiada kasama ang nauna nang nagkuwalipika na sina Eric Shauwn Cray ng Track and Field at Hidilyn Diaz ng Weightlifting.

Matatandaan na si Que ay nagwagi ng dalawang beses sa Philippine Amateur bago nagpasiya na mag-professional noong 2003. Naglaro ito sa Asian Tour sapul noong 2003 at nagwagi ng tatlong titulo na 2004 Carlsberg Masters Vietnam, ang 2008 Philippine Open at ang 2010 Worldwide Holdings Selangor Masters.

Huling naglaro si Que at Tabuena sa Resorts World Manila Masters bagaman tumapos lamang na tabla sa ika-18 puwesto na ginanap sa Manila Southwoods Golf and Country Club.

Si Rosales ay kasalukuyang naglalaro sa U.S.-based LPGA Tour. Nagawang magwagi ni Rosales sa Philippine Ladies Amateur Golf Championship limang sunod na beses noong 1994 hanggang 1998.

Nag-aral ito sa University of Southern California sa Los Angeles at nagwagi sa 1998 NCAA Championship bilang freshman noong 1998. Nagawa ding magwagi ni Rosales sa Golf World/Palmetto Dunes Collegiate Invitational at kinilala sa first team ng All-American para sa 1998-1999, na ikalawang taon bilang Trojans. (Angie Oredo)