Hindi nabulabog ang Malacañang sa resulta ng huling survey ng Social Weather Station (SWS), na lumitaw na milya-milya ang lamang ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga katunggali nito sa presidential race sa 2016.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na posible pa na tumaas o bumaba ang posisyon sa survey ng isang kandidato, ngunit ang mas mahalaga ay ang resulta ng mismong halalan sa Mayo.
“Survey numbers will go up or down but the only survey that matters is the one in May,” pahayag ni Lacierda.
Iginiit din ng opisyal na “mahaba pa ang boksing” upang magdiwang ang isang kandidato dahil lamang sa resulta ng survey.
Samantala, itinanggi rin ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino na ang administrasyon ang nasa likod ng paninira sa ibang kandidato sa pagkapangulo upang maiangat lamang sa survey ang Liberal Party standard bearer na si Mar Roxas.
“Clearly, the choice of the President is Mar Roxas because he’s the administration candidate and in his view, he will pursue and accelerate ‘Daang Matuwid’,” ipinunto ni Lacierda.
Sa pamamagitan ng pag-endorso kay Roxas, sinabi ni Lacierda na nakatitiyak si PNoy na maipagpapatuloy ang mga reporma na naipatupad ng administrasyong Aquino matapos ang 2016 elections.
Base sa huling survey ng SWS, nanguna si Duterte sa mga presidentiable matapos makakuha ng 38 porsiyento, na sinundan nina Sen. Grace Poe at Vice President Jejomar Binay, kapwa may 21 porsiyento; at si Roxas ay nakakuha ng 15 porsiyento. (MADEL SABATER NAMIT)