PATULOY na pinagpipistahan ng sambayanan ang matinding pangangampanya ni Presidente Aquino para kay dating DILG Secretary Mar Roxas, ang presidential bet ng Liberal Party. Sa kanyang pakikitungo sa mga OFW sa iba’t ibang bansa sa Europa kamakailan, pinatunayan niya na higit na maigting ang kanyang pagkampanya para sa LP bets kaysa kanyang pagkampanya nang siya ay kumandidato noong 2010 presidential elections. Ibig sabihin, kailangang matiyak niya ang panalo ng kanyang mga kaalyado upang matiyak din ang pagpapatuloy ng ipinangangalandakan niyang makabuluhang mga reporma sa bansa.

Tandisang pinasaringan ng Pangulo ang halos lahat ng sumasabak sa presidential at vice presidential post. Inilantad ang lahat ng kanilang kapintasan at umano’y walang lohikang mga plataporma na taliwas marahil sa mga simulain na inilalatag ng LP.

Walang tinukoy na mga pangalan subalit malinaw sa kanyang paglalarawan ang kinauukulang mga kandidato na sinasabing hindi dapat bigyan ng pagkakataong manungkulan sa bayan. Hindi ba ito masyadong pagmamaliit sa may matapat ding hangaring maglunsad ng mga programa na maaaring taliwas din sa ipinatutupad ng naghaharing lapian?

Maaaring may matuwid ang Pangulo sa kanyang mga patutsada sa mga kalaban ng kanyang administrasyon. Ngunit ang ganito bang mga banat ay kailangang ipagsigawan sa ibang bansa? Kailangan bang iparinig sa mga OFW ang gayong ‘tila nakadidismayang pahayag sa halip na sila ay dakilain sa malaking tulong na naiaambag nila para sa kaunlarang pangkabuhayan ng bansa?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang ganitong eksena, kung sabagay, ay hindi na bago sa Pangulo. Sa ilang pagtatalumpati niya sa ibang bansa—sa harap din ng ating mga kababayang OFW—lagi niyang sinisisi ang nakalipas na administrasyon sa mga kapalpakang nagawa ng mga ito. Lagi niyang binabakas ang mga nagawa ng mga lider ng nakalipas na mga rehimen na ipinagdidiinang nahaharap sa katakut-takot na mga kasong katiwalian; ang iba ay kasalukuyang nakapiit; at marami pang binabalak na isakdal.

Ganito ang kultura ng pangangampanya sa bansa. Dahil dito, marami ang naniniwala na ang nabanggit na mga estratehiya ay bumalandra sa LP bets. (CELO LAGMAY)