Limang libong out-of-school-youth na nagnanais maging kampeon mula sa bulubundukin ng Barangay Guba sa Cebu City ang nagsisilbing inspirasyon at lakas ni 3-time National Milo Marathon Queen Mary Joy Tabal upang lalong paghusayan at mas maabot pa ang napakailap na tugatog ng tagumpay.

Ilang minuto matapos nitong makisalo sa kasaysayan ng Milo Marathon bilang ikatlong babae na nakapagtala ng tatlong sunod na pagiging kampeon sa 42.195 kilometrong karera, sinabi ni Tabal na hindi lamang nito nakamit ang isa sa kanyang misyon kundi naabot pa nito ang adhikain na makatulong sa mga kabataan.

Tinutukoy ni Tabal, na siyang may hawak ng women’s national marathon record na kabuuang 2:48:00 segundo, ang mga kabataang nasa edad 15-anyos pababa na nasa ilalim ng kanyang running grassroots sports program sa Cebu City na inaasahang makikinabang ng kanyang napanalunan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Tradisyon na po kasi namin sa Cebu na ibalik sa komunidad namin ang naitulong sa amin ng lokal na pamahalaan kaya po tinuturuan ko naman ang mga batang walang kakayahan na makapag-aral para tulungan nila ang sarili nila sa pamamagitan ng running at makamit ang kanilang ambisyon,” sabi ni Tabal.

Maliban sa running grassroots sports program kung saan tinuturuan nito ang mga kabataan sa tamang pagtakbo, asam din ni Tabal na maging pinakaunang babaeng atleta sa bansa na lehitimong nakapagkuwalipika sa kada apat na taong prestihiyosong 2016 Rio de Janeiro Olympics.

“Nasa running po kasi ang pagkakataon natin na makamit ang mailap na gintong medalya sa Olympics na nagawa mismo ng Japan. Halos katulad naman natin sila sa physical attribute kaya iyon po ang aking pagtutuunan sa pagsali ko sa Boston Marathon,” sabi ni Tabal, ukol naman sa insentibong makakamit mula sa nagoorganisang Milo.

Nakasama naman si Tabal sa mga maalamat na babaeng kampeon sa National Finals ng MILO Marathon matapos magwagi ng tatlong sunod na korona na unang nagawa ni Arsenia Sagaray noong 1992, 1993, 1994 at si Christabel Martes noong 1999, 2000 at 2001.

Makakasama ni Tabal ang nagwagi ng dalawang sunod na korona sa kalalakihan na si Rafael Poliquit Jr sa asam nitong pagtatala pa sa isang kasaysayan sa disiplina ng long distance running sa bansa.

Samantala, umabot sa 675 katao ang sumali sa 3km, 12,261 ang tumakbo sa 5km, 308 ang nagkarera sa 10km, 309 sa 21km at 494 sa 42km para sa kabuuang 14,047 runners na sumali sa aktibidad. (ANGIE OREDO)