kidstvbulyingarticle_1aqosmm-1aqosop copy

ANG mga batang tutok na tutok palagi sa telebisyon at hindi nag-eehersisyo ay maaaring magsimulang makitaan ng masamang epekto sa utak dulot ng hindi magandang nakagawian, ayon sa bagong pag-aaral.

Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang mahigit 3,200 katao na nanonood ng telebisyon. Ang mga taong kabilang sa pag-aaral ay nanonood ng telebisyon sa loob ng mahigit sa tatlong oras.

Lumabas na ang pakikilahok sa mga pisikal na aktibidad, kabaligtaran ng pag-upo at labis na pagtutok sa telebisyon, ay mahalaga sa pagpapaganda ng takbo ng utak, ayon sa author ng pag-aaral na si Tina D. Hoang, ng Northern California Institute for Research and Education sa Veterans Affairs Medical Center sa San Francisco. “Being physically active at any time in your life is good for your brain,” pahayag ni Hoang.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa nasabing pag-aaral, tinanong ng mga researcher ang mga kalahok kada limang taon kung ilang oras sila nanonood ng telebisyon sa loob ng isang araw at tinanong din kung ilang beses silang nag-eehersisyo.

Makalipas ang 25 taon, pinag-aralan din ng mga researcher ang paggana ng utak ng mga partisipante sa pamamagitan ng tatlong test at sinuri kung gaano kabilis ang kanilang utak sa pagpoproseso ng impormasyon, verbal memory at executive function—ilan sa mga mental skills na nakatutulong sa tao sa pagpaplano, pagsasaayos ng mga bagay-bagay.

Umabot sa 353 katao sa isinagawang pag-aaral, na nanonood ng telebisyon ng mahigit sa tatlong oras kada araw, ang may hindi magandang resulta sa mga isinagawang test, kumpara sa mga tao na hindi masyadong babad sa telebisyon, ayon sa mga researcher.

At 528 sa mga ito na hindi nag-eehersisyo ay hindi rin maganda ang naging resulta sa isa sa mga test kumpara sa mga natira na physically active, natuklasan ng mga researcher.

Sa kabuuan, umabot sa 107 katao sa pag-aaral na hindi gaanong aktibo ang pisikal na pangangatawan at nanonood ng telebisyon ng mahigit sa tatlong oras ay mababa ang naging resulta sa kanilang cognitive test, kumpara sa mga taong hindi gaanong babad sa telebisyon at nag-eehersisyo.

Hindi pa tuluyang natutukoy ang eksaktong dahilan kung bakit ang pagiging babad sa telebisyon ay inuugnay sa hindi magandang cognitive performance.

Ang nasabing pag-aaral ay nailathala noong Disyembre 2 sa journal JAMA Psychiatry. (Live Science.com)