Inaasahan na umano ni Presidential candidate, Senator Grace Poe ang magiging kautusan ng Commission on Elections (Comelec)-Second Division na ibabasura at ididiskuwalipika siya sa pagtakbo bilang pangulo sa 2016 national elections.

Ito ang tahasang inihayag ni Senator Poe sa isang press conference kahapon ng umaga kung saan may nagbigay umano sa kanya ng paunang impormasyon hinggil dito.

Gayunman, positibo pa rin ang senadora sa pagsasabing hindi pa naman tapos ang laban dahil kahit pa tuluyang ibinasura ng Comelec en banc ang kanilang apela ay dudulog pa rin sila sa Korte Suprema.

Sinabi pa ni Poe na kitang-kita naman na gusto talaga siyang alisin sa karera bilang isang “pinakamalaking banta” at magiging libreng-libre na ang mga kalaban niya sa pulitika kapag nawala ang kanyang pangalan sa hanay ng mga tatakbong presidente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kung susumahin para sa 2016 elections ay nasa siyam na taon at anim na buwan pa lamang naninirahan ang senadora na kulang para sa 10 years residency requirement para sa presidential candidate.

Subalit, nilinaw ni Poe na ang kanyang interpretasyon at sinabing ”anim na taon at anim na buwan ay dahil po sa araw ng filing ko binilang at hindi noong araw ng election ng 2013, kaya po pinalitan ng Comelec ang kanilang wordings dahil nakalilito daw at lalung-lalo na na hindi naman ako abogado na nag-fill-up.,

Bagamat tila inamin na ng senadora na kinulang siya ng ilang buwan sa mga requirement, agad niya itong ipinaliwanag.

“Subalit ito po yun, ilang buwan lang ang pagkukulang diyan, para sa akin ang ilang buwan ay mahalaga ‘yun ngunit ang nagbubulag-bulagan ay talaga ay hindi nila makikita ang mga dahilan namin,” wika ni Poe.

May mga patunay daw si Poe na 2005 pa lamang ay nasa Pilipinas na siya matapos ang paninirahan sa Estados Unidos.

(Jun Fabon at Mary Ann Santiago)