Mga laro ngayon
Cuneta Astrodome
4 pm Petron vs Foton
Pilit na hahawiin ng sabik sa titulo na Foton Tornadoes at nagtatanggol na kampeon Petron Blaze Spikers ang daan tungo sa kani-kanilang asam na itala na sariling kasaysayan sa pagsasagupa para sa krusyal na unang panalo sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix best-of-three finals series sa Cuneta Astrodome.
Ganap na4:00 ng hapon magtatagpo ang Tornadoes na tutuntong sa kanilang pinakaunang kampeonato sa liga sa pagsagupa na naghahangad naman na pantayan ang libro ng kasaysayan ng natatanging liga para sa mga club team na Blaze Spikers na nakatuon sa ikatlong sunod na pagsungkit sa korona.
Ito ay dahil unang pagkakataon pa lamang ng Tornadoes na tumuntong sa kampeonato habang makasasagupa nito ang Blaze Spikers na hindi lamang nagawang magtala ng kasaysayan sa liga sa pagtatala ng perpektong rekord sa pagsungkit sa isa sa dalawa nitong titulo kundi bitbit pa ang karanasan sa internasyonal na labanan.
Bagaman hindi pa nito natatalo ang kalaban sa dalawang beses na paghaharap, umaasa ang Tornadoes na kaya nitong na malampasan ang kahinaan upang makamit ang matinding hangarin na makapagpata ng matinding upset sa pakikipagharap sa back-to-back champion na Blaze Spikers.
Matatandaang nalasap ng Tornadoes ang maigsing tatlong set na kabiguan kontra sa Blaze Spikers, 27-25, 25-23 at 25-16 sa laban na ginanap sa De La Salle Sentrum sa Lipa City na pumigil sa hinahangad nitong anim na sunod na panalo at pansariling rekord ng koponan sa torneo.
Ang kabiguan ay ikalawang sunod din sa katulad na dami ng kanilang paghaharap sa komperensiya. Unang nalasap ng Tornadoes ang kabiguan noong Oktubre 15 sa Blaze Spikers sa 25-21, 20-25, 13-25, 25-12 at 9-15.
Subalit kahit na tila matinik na bakod ang kanilang dadaanan, optimistiko si Foton coach Villet Ponce De Leon na malalampasan ng kanyang mga manlalaro ang tila sumpa sa pakikipagharap sa Petron sa pagnanais nitong pigilan ang asam naman ng kalaban na tatlong sunod nito na pagsungkit sa kampeonato.
“We just had to forget the past and look for something that will make us better and even strong,” sabi lamang ni De Leon hinggil sa kanyang koponan.
Tampok sa kampeonato ang paghaharap ng magkapatid na sina Jaja Santiago na inaasahang sasandigan ng Tornadoes sa hangad nitong unang panalo at paglapit sa torneo kontra sa mas beterano at mas matagal nang naglalaro sa liga na si Dindin Santiago-Manabat.
Gayunman, sadandigan pa rin ni De Leon ang mga American import na si Katie Messing at Lindsay Stalzer at ang mga homegrown nito na sina Santiago, setter na si Ivy Perez at ang backline defender na sina Bia General, Kara Acevedo at Patty Orendain upang maging mabangis sa kampeonato.
Inaasahang sasandigan naman ng Blaze Spikers ang solidong grupo ng mga miyembro ng pambansang koponan na sina Santiago-Manabat, Aby Marano at Rachel Anne Daquis upang tulungan ang mga import na sina setter Erica Adachi at wing Hitter na si Rupia Inck.
“We’re focused,” sabi wing ni Petron coach George Pascua. “We really aim for our third title.” (Angie Oredo)