SA wakas, naging malinaw na ang matagal ng teleserye sa talambuhay ni Davao Mayor Rodrigo Duterte at nakabimbing talinhaga sa kandidatura nito. Sigurado na ang pagtakbo niya bilang pangulo sa 2016. Batay sa aking naging panayam, dalawang linggo na ang nakakaraan, sa telebisyon kay Martin Diño na kasalukuyang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapangulo, at ni Atty. Sal Panelo, abogado at matalik na kaibigan ng alkalde (Programang ‘Republika’ tuwing Martes 8:00 N.G., Channel 8 (Destiny Cable), Ch. 213 (Sky Cable) at Ch. 1 (G-Sat), “Otsenta porsyentong tatakbo si Duterte!”, bulaga ng dalawa. Magkakaroon daw ng “substitution” sa Disyembre 10, ang huling araw na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) kung sakaling may nais baguhin ang mga naghain ng certificate of candidacy (CoC).
Pati ang nominado ng PDP-Laban na si Martin Diño ay sumang-ayon na si “Digong Duterte” ang magsisilbing pangunahing panabong ng kanilang partido. Nabulgar din sa aming pondahan, likod ng kamera, na maraming negosyante ang nais tumulong sa kanyang kampanya. Subali’t may ilang balakid. Una, karamihan ng taga-pondo ay nag-aabang na mag-anunsiyo muna siya bago magpaluwag ng pera.
Ang pangalawang balakid, ay si Duterte na rin. Ayaw nito magkaroon ng utang na loob sa mga “uri” ng mga negosyanteng namumuhunan upang bilhin o ariin ang Tanggapan ng Pangulo, higit kung bilyones na ang iniluluwal. Napakiusapan at nabuksan ang isipan ni Digong hinggil sa kanyang agam-agam at nang mapaliwanagan, siya ay isang kandidato na kung maitutulad sa produkto ay tukoy na ng mga mamumuhunan. Ibig sabihin, kilala ito bilang pulitiko na hindi papayag paikutin at ibenta sa kalikuan.
May imaheng seryoso at nagpapatupad ng bakal na batas. Sa ganitong usapan, hindi na “naglalagay” ang negosyante sa kanyang kandidatura tulad ng nakagawian sa dati at ibang kandidato. Bagkus, “sumusugal” ng pilit ang mga bigating negosyante dahil nagbabakasakali sa ganitong siste ni Duterte. Ito, kahit batid nila na may hindi matatawarang reputasyon ang Alkalde kontra sa katiwalian kung estilo ng pamamahala ang pagbabatayan. Sa ngayon, sariling ipon at pakimkim ng ilang kaibigan ang naaawasan ni Duterte tungo sa landas na siya ang humahakbang. (ERIK ESPINA)