Pinakakansela sa Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy (CoC) na inihain ni Sen. Pilar Juliana “Pia” Cayetano na sasabak sa pagkakongresista sa Ikalawang Distrito ng Taguig City sa 2016 elections.
Sa inihaing CoC ng senadora sa Comelec noong Oktubre 16, ideneklara ni Cayetano na siya ay nakatira sa 352-A, Phase 1A, Two Serendra, 11th Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City hanggang sa araw bago ang May 9, 2016 election o katumbas ng isang taon at isang linggo.
Ipinaalam din ng senador na rehistrado siya bilang botante ng Barangay Fort Bonifacio.
Base sa nakasaad sa disqualification case, sinabi ng isang petitioner na wala umanong katotohanan na si Cayetano ay nagmula sa Taguig dahil base sa Information Sheet mula sa kanyang tanggapan, nakatira ang senador sa No. 306 Agno St., Ayala Alabang Village, Muntinlupa City.
Noong Hulyo 20, nananatiling nakarehistro bilang botante ang senador sa Precinct No. 145A Barangay Bagumbayan kung saan doon minimintina ng pamilya Cayetano ang isang bahay na sakop naman ng Unang Distrito ng Taguig.
Lumitaw sa beripikasyon ng Office of the Election Officer, noong Hulyo 6 hindi nakapag-apply si Cayetano ng “transfer of registration” bilang botante ng Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang inilagay na address na Unit 352A, Two Serendra, Fort Bonifacio, Taguig City ng senador sa kanyang CoC ay ang tirahan ng kanyang kapatid na si Lino S. Cayetano, na kasalukuyang kongresista ng Ikalawang Distrito ng Taguig.
Ayon sa sources, umatras si Lino Cayetano sa pagtakbo para sana sa ikalawang termino nito habang ang kanyang kapatid na si Sen. Pia ay nasa huling termino naman nito sa senado at magiging kapalit niya sa pagtakbo sa pagka-kongresista sa halip na labanan ang kandidatura ni Taguig City 2nd District Councilor Michelle Anne Baluyut Gonzales para sa posisyon.
Hangad ng petitioner na makansela ang CoC ni Cayetano, agad na maalis ang pangalan nito mula sa certified list of candidates at opisyal na balota na gagamitin sa May 2016 elections. (Bella Gamotea)