Umabot sa P22.5-milyon halaga ng cash reward ang ipinamahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa siyam na civilian informer na nagbigay ng impormasyon sa awtoridad sa kinaroroonan ng mga wanted na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at New People’s Army (NPA).

Iniabot ni AFP Vice Chief of Staff Major General Romeo T. Tanalgo ang mga cash reward, na nasa P350,000 hanggang P5.8 milyon, sa seremonya sa Intelligence Service of the AFP sa Camp Aguinaldo, kamakalawa.

Kabilang sa mga wanted personality na na-neutralize sa tulong ng mga impormante ay sina Eduardo Esteban, isang NPA leader na may patong sa ulo na P5.8 milyon, kaugnay ng kasong pagpatay sa Abra. Siya ay naaresto noong Agosto 14, 2014 sa Iloilo City.

Naaresto rin sa tulong ng isang tipster ang isa pang leader ng NPA na si Dominicano Muya, na gumamit ng mga alyas na “Atoy” at “Marco”, na nahaharap sa mga kasong robbery with double homicide at damage to property sa Agusan del Sur, at multiple murder at double frustrated murder sa Malaybalay City.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Si Muya ang itinuturong pumatay kina PO1 Marito Correos at PO1 Rey Mangoya Ejercito sa Bayugan, Agusan del Sur; at pamamaslang sa limang militiaman, at isang sibilyan sa Barangay Zamboanguita, Malaybalay City. Naglaan ang gobyerno ng P4.8 milyon para sa pagkakadakip ni Muya.

Samantala, bumagsak sa kamay ng awtoridad ang leader ng ASG na si Khair Mundos, sa Parañaque City noong Hunyo 11, 2014 sa tulong ng isang military informer na nakatanggap ng P5.3-milyon pabuya.

Si Mundos ay nahaharap sa mga kasong murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder sa Cotabato.

(Elena Aben)