GINUNITA ng buong bansa noong Martes ang ika-6 na anibersaryo ng pagkakapaslang sa 58 katao, kabilang rito ang 32 media practitioners, na kagagawan ng mga Ampatuan bunsod ng pagkaganid sa kapangyarihan at pulitika. Hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang natatamo ang mga pamilya ng mga biktima na walang habas na pinagbabaril. Parang eksena kamakailan sa Paris na walang tigil na pinagbabaril ng mga teroristang ISIS.
Ang mga biktima ay hinarang sa daan patungo sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 para samahan sa paghahain ng kandidatura si noon ay Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na tatakbo bilang gobernador kontra Ampatuan. Sinamahan ng media si Mrs. Ginalyn Tiamson Mangudadatu, asawa ni Gov. Toto, ngunit sa national highway pa lang ay hinarang na sila ng 100 armadong lalaki, dinala ang mga biktima sa Sitio Masalay, Barangay Salman at doon pinagbabaril.
Kaugnay nito, sinabi ng mga pamilya ng mga biktima na nawawalan na sila ng pag-asa na makakamit pa ang katarungan sa termino ni Pangulong Aquino. Noon daw 2010 presidential election, nangako si PNoy na kapag siya ang nahalal na pangulo, ang Maguindanao massacre ay tiyak na malulutas at maparurusahan ang mga akusado.
Si Grace Morales, isa sa mga naulila, ay naghihimutok sapagkat hindi alam kung ano na ang estado ng mga kaso laban sa mga akusado na pumatay sa kanyang asawa na si Rossel at nakatatandang kapatid na si Marites Cablitas. Ayon kay Morales, parang nakalimutan na yata ng binatang Pangulo ang isa sa kanyang mga pangako noong 2010. Ngayon naman daw ay ang “manok” ni PNoy na si Mar Roxas ang nagsasabing bibigyan sila ng hustisya. Hindi kaya matulad ito sa pag-massacre sa 44 na tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) na sa Maguindanao din nangyari, pero hanggang ngayon ay wala pa ring lubos na katarungan?
Ayon sa kamag-anak ng Manila Bulletin reporter na si Alejando “Bong” Reblando, isa sa mga biktima, sawa na nila sa mga pangako na laging napapako. Ayon kay Mayhang Reblando Zainal, anak ni Bong, lalo lang sumasakit ang sugat sa kanilang puso sa mga pangakong hindi naman nagkakaroon ng katuparan. Ang kanyang ina, si Myrna ay nagtatago ngayon sa abroad dahil sa banta sa kanyang buhay matapos pangunahan ang protesta laban sa mga suspek sa massacre.
Nahihirapan sila ngayon sa buhay dahil ang maliit nilang rice trading business ay isinara dahil wala ang kanyang ina.
Sa ngayon, dalawa ang nakamulagat na malalaking kaso na hindi pa nalulutas ng kasalukuyang administrasyon. Ang una ay ang Maguindanao Massacre na ikinamatay ng 58 tao, at ang Mamasapano incident na pinagbuwisan ng buhay ng 44 kasapi ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF). Vice Pres. Jojo Binay, Sen. Grace Poe, Sec. Mar Roxas, Sen. Miriam Defensor Santiago, at Mayor Digong Duterte, kaya n’yo ba itong lutasin? (BERT DE GUZMAN)