Sa kulungan bumagsak ang isang kasambahay na tumangay umano sa mga alahas, kabilang ang isang diamond ring na nagkakahalaga ng P100,000, ng kanyang amo na isang abogado sa Muntinlupa City, nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ni Muntinlupa City Police Officer-in-Charge (OIC) Senior Supt. Nicolas Salvador ang naaresto na si Maricel Bongcawel, 26, dalaga, stay-in sa Alabang 400, Barangay Cupang, ng nasabing lungsod.
Inireklamo ang suspek ng kanyang amo na si Atty. Jose Tomas Syquia, 45, may asawa, nakatira sa nabanggit na lugar.
Dakong 5:20 ng hapon nang mahuli ng security guard na si Nerio Rebuyas, Jr. ang suspek na dala ang mga alahas ng kanilang amo, makaraang mag-inspeksiyon ang guwardiya sa loob ng bahay.
Agad ipinaalam ni Rebuyas kay Syquia ang nangyari kaya ipinaaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.
Nakumpiska kay Bongcawel ang isang diamond ring na nagkakahalaga ng P100,000, isang gintong pendant na nagkakahalaga ng P15,000, at isang gold bracelet na nasa P5,000 ang halaga.
Sasampahan ng kasong qualified theft sa Muntinlupa Prosecutors’ Office si Bongcawel. (Bella Gamotea)