SA wakas, sumulong na rin si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2016. Dahil dito, babawiin ko na ang tawag sa kanya na Boy Urong-Sulong, sapagkat nagkaroon na siya ng “yagbols”, hindi tulad ng dati na parang ito ay nakaurong. Kaya lang, hindi maganda sa pandinig ng matitinong tao ang sinabi niyang dahilan kung bakit mapipilitan siyang kumandidato: Ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na ituring si Sen. Grace Poe na isang natural-born Filipino. Ayaw daw niyang magkaroon ng isang presumptive American president kapag si Poe ay nagwagi. Eh, ‘di patunayan mong dayuhan siya.
Bakit ang pagiging natural-born citizen ni Sen. Grace, na pasya ng SET, ang ikakatwiran mong dahilan sa pagtakbo?
Bakit ang hindi mo ihayag sa taumbayan ay ang iyong plataporma-de-gobyerno bukod sa ipinagyayabang mong pagpatay sa mga kriminal, drug lords, smugglers at pagpapakain ng isda sa mga bulok na pulitiko? Bakit, Mayor Digong, ang lumalabas sa iyong bibig ay puro pagpatay, karahasan?
Dahil ba alam mong ito ang gusto ng mga taong nakatunganga? Na ikaw ay kilalanin bilang “macho president”, matapang, pumapatay? Bakit ang hindi mo ihayag ay ang pagpapalusog sa ekonomiya, pagbibigay ng trabaho sa mga “nagbibilang ng poste” araw-araw? Bakit ang hindi mo ipangako ay ang pag-aayos at pagtutuwid sa Daang Matuwid ni PNoy, na sa paniwala ng marami ay isang Baluktot na Daan? Aalisin ko na ang bansag mong Boy Urong-Sulong, pero kapag hindi ka nagbago, tatawagin naman kita ngayong Boy Dahilan, sapagkat lagi kang may dahilan kung bakit ngayon ay tatakbo ka na.
***
Sa pagtatapos ng termino ni PNoy sa Hunyo 2016, nasuklian na ng sambayanan ang sakripisyo at pagpapahirap na ginawa ng Marcos regime sa pamilya ng kanyang matinding kalaban sa pulitika—si yumaong ex-Sen. Ninoy Aquino Jr. na pinaslang sa tarmac noong Agosto 1983. Tinumbasan ng taumbayan ang hirap ni Sen. Ninoy na ikinulong ni ex-Pres.
Marcos dahil banta siya sa kapangyarihan ni Apo Macoy.
Sa pagkamatay ni Ninoy noong 1983, nag-alsa ang mamamayan noong 1986, pinatalsik ang diktador at pamilya mula sa Malacañang. Kasunod nito, iniluklok ang biyuda na tinawag ni Marcos na “a mere housewife” na walang kamuwang-muwang sa pulitika at pamamahala (si Cory ay tagatimpla lang ni Ninoy ng kape kapag may kausap na mga pulitiko).
Maraming kamag-anak nina Ninoy at Tita Cory ang inihalal din ng mamamayan bilang simpatiya sa paghihirap at kaapihan na dinanas ng mga Aquino sa ilalim ng diktadurya. Pinakahuli, iniluklok din ang tanging anak na lalaki nila, si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, alyas PNoy. Siguro ay dapat nang isara ang pintuan ng gobyerno sa mga Aquino at piliin naman ang iba. (BERT DE GUZMAN)