NANG simulan ng Commission on Elections (Comelec) ang kampanya nito upang maitala ang biometric data ng bawat botante—sa layuning malinis ang listahan ng mga makikibahagi sa eleksiyon—pinuntirya ng Comelec ang siyam na milyong botante na wala ang kinakailangang litrato, fingerprints, at lagda. Nang magtapos ang kampanya noong nakaraang buwan, sinabi ng Comelec na ang mga botanteng walang biometrics ay bumaba sa dalawang milyon na lang.
Malaki pa rin ang bilang na ito ng mga botanteng aalisin sa listahan at nagpasya ang Comelec na pahintulutan ang mga may hindi kumpletong biometrics na bumoto pa rin sa paghahalal ng pangulo sa Mayo 2016. Mabuti naman ang naging pasyang ito ng Comelec, para sa kapakanan ng mga nais bumoto na nadismaya lamang sa napakahabang pila ng mga tao sa noon ay abalang-abalang mga tanggapan ng Comelec.
Isinagawa ang biometrics registration campaign alinsunod sa Republic Act 10367, ang Mandatory Biometrics Voter Registration Act. Layunin nitong alisin ang mga pangalan ng mga nasa listahan ngunit pumanaw na, at higit pa rito, ang mga flying voter na gumagamit ng mga pekeng pangalan.
Nagtagumpay ang kampanya ng Comelec sa pagsusuri sa pagiging tunay ng karamihan sa mga nasa listahan, ngunit marami pa ring botante ang sadyang pabaya lang. Binalewala ang napakahabang 15-buwang kampanya para sa biometrics at nang malapit na ang palugit ay tinamad nang pumila nang makita ang pagsisiksikan sa mga tanggapan ng mga Comelec ng mga gaya nilang nagpapabukas-bukas pa.
Ang pasya ng Comelec na pahintulutang makibahagi ang mga botante sa eleksiyon sa 2016, kahit pa hindi kumpleto ang kanilang biometrics, ay isang magandang balita. Karamihan sa dalawang milyong mamamayang ito ay mahalaga ang gagawing pagpapasya sa paghahalal sa susunod na grupo ng mga opisyal ng gobyerno.
Ang mga susunod na buwan ay tiyak nang magiging abala para sa Comelec. Ngunit posible kaya na ang mga tanggapan nito sa iba’t ibang panig ng bansa ay maglaan ng isang maliit na sulok para sa mga huling nagparehistro, hanggang sa pagsisimula ng pangangampanya para sa eleksiyon sa Pebrero 2016? Sa susunod na tatlong buwan, karamihan sa dalawang milyong ito na hindi kumpleto ang biometrics ay magagawa nang tumalima sa batas at makatupad sa kanilang obligasyon bilang mga botante.