Mga laro sa Martes
San Juan Arena
12:45 p.m. PLDT vs UP
3 p.m. Army vs Navy
Kapwa asam ng Philippine Army at PLDT Home Ultera na magamit ang bentaheng twice-to-beat matapos magtala ng 1-2 finish upang ganap na maitakda ang pagtutuos nila para sa kampeonato ng Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference sa pagsalang ng mga ito sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa simula ng crossover semis.
Makasasagupa ng topseed at unbeaten Lady Troopers ang pumasok na no.4 team Navy sa huling laro ganap na 3:00 ng hapon habang makakatunggali naman ng second seed Ultra Fast Hitters ang no.3 team University of the Philippines (UP) sa unang laban ganap na 12:45 ng hapon.
Kapwa paborito ang Army at PLDT sa nasabing dalawang laban, partikular ang huli na kumuha ng dalawang American reinforcement para punuan ang pagkawala ng tophitter nilang si Alyssa Valdez na pinapagpahinga muna sanhi ng iniinda nitong back injury.
Bukod sa kanyang mga local mainstay na sina veteran setter Rubie de leon, Gretchel Soltones, Sue Roces, Aiza Maizo-Pontillas at Janinne Marciano, aasahan din ni PLDT coach Roger Gorayeb upang mamuno sa kanyang koponan ang mga import na sina Victoria Hurtt at Sareea Freeman.
Para naman sa Army, inaasahang mangunguna sa kanilang kampanya upang muling mkatuntong ng kampeonato sina Jovelyn Gonzaga, Honey Royse Tubino, Tina Salak, Jean Balse at Tin Agno.
Sa panig naman ng kanilang mga katunggali, sasandlan naman ni coach Jerry Yee para itayo ang bandila ng Fighting Lady Maroons sina Isa Molde, Justine Dorog, Kathy Bersola at Princess Gaiser habang magsisikap naming tapusin ang dominasyon sa kanila ng kapwa military team Army sina Lady Sailors Paulina Soriano, Lilet Mabbayad, Hezzymie Acuna, Norie Jane Diaz, Pauline May Genido at Janet Serafica. (Marivic Awitan)