MAHALAGA at natatanging mga araw ang nakalipas na Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 20 sa iniibig nating Pilipinas sa pagdaraos ng 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Maynila. Ito ang ikalawang pagkakataon na ang ating bansa ay naging punong abala sa ginanap na pagpupulong ng 21 matataas na lider ng iba’t ibang bansa kabilang siyempre ang ating Pangulong Noynoy Aquino at US President Barrack Obama. Sa kanyang pagdating, nagtungo si Obama sa BRP General Gregorio del Pilar at ipinahayag na ang America ay magbibigay ng dalawang barko sa Philippine Navy para magamit sa navigational patrol sa karagatan ng Pilipinas. Ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) ang nasabing makasaysayang pulong ng mga economic leader. Ang APEC summit ang ikalawang pagkakataon na ang ating bansa ang napiling maging punong-abala. Ang una ay noong 1996 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ang 2015 APEC summit ay ginastusan ng ating gobyerno ng P10 bilyon. Ang tanong ng marami nating kababayan ay kung ano ang magiging pakinabang ng ating bansa sa paggastos ng nasabing halaga?
Ilang linggo bago sinimulan ang APEC summit, sa hangaring hindi makita ng mga head of state ang tunay na kahirapan sa Pilipinas katulad ng ginawa noong bumisita si Pope Francis noong Enero 15. Dinampot at pinagsama-sama ang mga palaboy sa Metro Manila, partikular na ang mga nakatira sa kahabaan ng Roxas Boulevard, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nang dumalaw si Pope Francis, ang mga palaboy at pamilya nila ay dinala sa isang resort sa Batangas at doon itinago. Sila ay pinakain at muling ibinalik sa mga lansangan nang makaalis na ang Santo Papa. Ngayon naman, bago idaos ang pagpupulong ay muling dinampot ang mga palaboy. Dinala naman sila sa Boystown sa Marikina City at doon itinago. Nagreklamo na hindi umano sila pinakakain sa tamang oras.
Itinuring ng gobyerno na tagumpay ang 2015 APEC summit sapagkat malaki at marami ang maitutulong nitong epekto sa ating bansa. Ngunit, para sa marami nating kababayan, laking abala ito para sa kanila sa pagsasara ng mga pangunahing lansangan tulad ng Roxas Boulevard, Coastal Road, EDSA at iba pang kalsadang patungo sa PICC, Mall of Asia. Sa mga manggagawa at empleyado mula sa Cavite, Las Piñas at Parañaque, isang kalbaryo at penetensiya ito para sa kanila matapos maglakad ng apat hanggang walong oras. Dahil sa galit at pagkainis, marami ang nagmura at ibinuhos ang saloobin sa social media. May napaanak pa sa kalsada at hindi na nagawang umabot pa sa ospital. May nagsabi at nagtanong na bakit sa Metro Manila ginanap ang summit at hindi sa labas ng Manila? Ganito rin ang naranasan ng mga dumaan sa EDSA. Dahil sa matinding trapik na umabot ng walong oras, ang mga commuter ay nag-APEC walk din pauwi.
Maging ang mga nanggaling sa airport dahil sa walang taxi, naglakad sila habang hila ang kanilang bagahe.
(CLEMEN BAUTISTA)