NOBYEMBRE 4, 2015 nang manumpa sa tungkulin si Justin S. Trudeau, ang ika-23 Prime Minister ng Canada. Pinangunahan niya ang Liberal Party sa pagtatagumpay sa federal election nitong Oktubre 19, napanalunan ang 184 sa 338 puwesto, isang 150-seat gain, na may 39.5 porsiyento ng boto, para sa isang malakas na gobyerno. Bukod sa pinaboran ng Atlantic Canada at Toronto, napanalunan din ng kanyang partido, sa unang pagkakataon, ang mayorya ng 40 puwesto sa Quebec.
“I am committed to leading an open, honest government that is accountable to Canadians, lives up to the highest ethical standards, brings our country together, and applies the utmost care and prudence in the handling of public funds,” sinabi niya sa kanyang inagurasyon.
Ang una niyang ginawa ay ang magtalaga ng pantay na bilang ng kababaihan at kalalakihan sa kanyang Gabinete, na una sa kasaysayan ng Canada, upang isakatuparan ang kanyang pangako ng isang opisyal na pamilyang balanse sa kasarian.
Ang unang batas na kanyang prioridad, aniya, ay ang mapababa ang buwis ng mga middle-income worker, itaas ang buwis ng unang porsiyento ng may pinakamalaking kita. Nangako rin siyang muling ibabalik ang ugnayan sa mga katutubo at pangangasiwaan ang isang gobyernong ethical at transparent. Magsisilbi niyang ministro ng intergovernmental affairs at sa usaping para sa kabataan.
Isinilang ng Araw ng Pasko noong 1971 sa Ottawa Ontario, si Trudeau ang panganay na anak ni dating Prime Minister Pierre E. Trudeau, ang ika-15 prime minister (1968-70 at 1980-84) ng Canada, at ni Madame Margeret Sinclair Trudeau.
Siya ang ikalawang pinakabatang prime minister sa kasaysayan ng Canada, kasunod ni Joe Clark, at ang unang anak ng isang dating prime minister na naluklok sa nasabing puwesto.
Sinuportahan niya ang Liberal Party sa murang edad, at naging mas masugid sa kanyang pagsuporta matapos pumanaw ang kanyang ama noong 2000. Inihalal siya noong 2008 bilang miyembro ng oposisyon ng Parlamento at muling inihalal noong 2011. Ibinoto siyang pinuno ng Liberal Party noong 2013.
Tinapos niya ang kanyang Bachelor of Arts in English Literature degree sa McGill University at Bachelor of Education sa University of British Columbia. Pagkatapos ng graduation, nagturo siya ng French at Math sa West Point Grey Academy at sa Sir Winston Churchill Secondary School sa Vancouver. Nag-aral din siya ng engineering sa Ecole Polytechnique de Monstreal, at para sa master’s degree in Environmental Geography sa McGill University. Bumida rin siya noong 2007 sa CBC miniseries na “The Great War”, tungkol sa pakikibahagi ng Canada sa Unang Digmaang Pandaigdig. Nagsulat siya ng autobiography, ang “Common Ground”, na inilathala noong 2014.
Itinaguyod niya ang mga programa para sa kabataan, gayundin ang mga pag-aaral tungkol sa kapayapaan at digmaan, pangangalaga sa kalikasan, kaligtasan ng winter sports, at pagkakataon para sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyon.
Pinakasalan ni Trudeau ang kanyang kababatang si Sophie B. Gregoire, na nagtrabaho bilang mamamahayag ng Quebec para sa CTV show na “e Talk,” noong Mayo 28, 2005, sa isang seremonyang Katoliko sa Sainte Madeleine d’Outremont Church sa Montreal, na roon sila lumaki. Sila ay may tatlong anak: sina Xavier James, Ella-Grace Margaret, at Hadrien.