Ibinasura na ng Korte Suprema ang ikatlong motion for reconsideration na inihain ni dating Philippine Military Academy (PMA) cadet Aldrin Jeff Cudia.
Sa isang press conference, sinabi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te na ibinasura na ng mga mahistrado ang huling mosyon ni Cudia.
Nabatid na ipinaglalaban ni Cudia na makuha ang kanyang academic documents, kabilang na ang kanyang diploma, general weighted average, certificate of good moral character, honorable dismissal, at transcript of records mula sa military school.
Gagamitin sana ang dokumento para maka-enroll si Cudia sa University of the Philippines College of Law.
Una rito, tinanggal ang dating kadete sa akademya noong 2014 dahil sa paglabag sa PMA honor code.
Matatandaang nakasaad sa ikatlong motion for reconsideration ni Cudia ang kahilingan na ilabas ang kanyang mga academic record para mabigyan ng pagkakataon ang sinibak na kadete na makapag-enroll sa ibang eskuwelahan.
Mahalaga umano ang mga nasabing dokumento para ganap nang makapag-enroll si Cudia sa UP College of Law.
Sa kanyang ikatlong mosyon, umapela si Cudia ng pang-unawa mula sa hukuman dahil hindi na kakayanin ng kanyang pamilya na suportahan ang kanyang pag-aaral kung uulit pa siya sa first year college ng undergraduate course.
Idinagdag pa ni Cudia sa mosyon ang kondisyon ng kanyang ama na si Renato Cudia na paralisado matapos dumanas ng brain stroke, habang wala namang trabaho ang kanyang ina kaya mahihirapang igapang ang kanyang pag-aaral.
(Beth Camia)