SA WAKAS, makalipas ang ilang buwan ng pagpaplano at paghahanda, matapos ang mga protesta at batikos sa pangangasiwa sa trapiko na nagresulta sa paglalakad nang kilo-kilometro ng libu-libong papasok sa trabaho, makaraang kanselahin ang daan-daang biyaheng panghimpapawid at magdeklara ng no-sail at no-flight zones, pagkatapos na paigtingin ang seguridad kasunod ng mga pag-atake sa Paris, nagsimula na kahapon ang 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Philippine International Convention Center.
Nasa bansa ang mga pinuno ng 21 ekonomiyang APEC para sa taunang pulong na may temang “Building Inclusive Economies.
Building a Better World.” Dalawa sa mga leader—sina President Vladimir Putin ng Russia at President Joko Widodo ng Indonesia—ay hindi nakadalo ngunit nagpadala na ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng kani-kanilang bansa.
Pinagtuunan naman ng labis na atensiyon ang dalawa sa mga leader—sina President Barack Obama ng United States at President Xi Jinping ng China. Pinamumunuan nila ang dalawa sa pinakamalalaking ekonomiya sa mundo ngaayon at kapwa nila isinusulong ang dalawang magkatunggaling inisyatibong pang-ekonomiya—ang Trans-Pacific Partnership (TPP) ng Amerika at ang Free Trade Area of the Asia Pacific (FTAAP) ng China.
Ngunit dahil sa kanilang lumalalang alitan sa South China Sea, posibleng maisantabi ang mga usaping pang-ekonomiya sa APEC meeting. Sa nakalipas na mga buwan ay nagpapalitan ng mga pagtuligsa ang Amerika at China kaugnay ng mga island reclamation activity ng China na ipinalalagay ng Amerika na banta laban sa malayang pandaigdigang paglalayag.
Ang Pilipinas at ang iba pang kasapi ng APEC ay sangkot din sa kontrobersiyang ito—ang Japan, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan—at posibleng talakayin ito sa Summit, bagamat ang Pilipinas, bilang punong abala, ay sumang-ayon na hindi na ito mapabilang sa agenda.
Posible ring matalakay sa pulong ng APEC ang mga pag-atake ng mga terorista sa Paris kamakailan, dahil wala nang bansa ang nakararamdam ng kaligtasan ngayon sa harap ng determinadong kaaway na tulad ng Islamic State. Sa pagtitipun-tipong ito ng mga pinuno ng mundo sa APEC Summit sa Maynila, pinaigting na ang seguridad—sa puntong marami nang pinangangambahan, ayon sa mga kritiko. Ngunit hindi dapat na tayo ay sumugal sa ano pa mang panganib, dapat na magpursige tayo upang maging matagumpay ang 2015 Manila APEC meeting, nang walang anumang panganib na kahaharapin ang sinuman sa ating mga panauhin.
Sa maraming lugar sa Metro Manila ngayon ay mahigpit ang mga ipinatutupad na seguridad. Tinatanggap natin ang mga ito bilang bahagi ng ating pambansang responsibilidad bilang punong abala sa pagtitipun-tipon ng pinakamatataas na opisyal ng 21 ekonomiya sa mundo. Ang pag-asa ng mundo ay kasama nila sa kanilang mga pagpupulong at inaasam natin na ang kanilang mga desisyon at kasunduan ay magsusulong ng masigla at mas komprehensibong ekonomiya para sa mas mabuting daigdig.