mga laro ngayon

(Araneta Coliseum)

2 p.m. UE vs. UP

4 p.m. FEU vs. De La Salle

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Archers vs. Tamaraws sa Final Four.

Buhayin ang tsansang makausad sa Final Four round sa pamamagitan ng playoff ang tatangkain ng De La Salle University (DLSU) sa muling pagtutuos nila ng Far Eastern University (FEU) sa tampok na laro ngayong hapon sa pagtatapos ng elimination round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament.

Ganap na ika-4 ng hapon ang pagtutuos ng dalawang koponan sa ikalawang pagkakataon ngayong season matapos ang unang salpukan sa pagitan ng kapwa out na University of the East (UE) at season host University of the Philippines (UP), ika-2 ng hapon.

Matatandaang tinambakan ng Tamaraws ang Green Archers nang una silang magtuos noong Setyembre 13 sa iskor na 93-75. Ngunit, lahat ng ito ay wala ng halaga ngayon dahil tiyak na gagawin lahat ng La Salle para bawian ang Tamaraws upang makamit ang ikapito nilang tagumpay na magpapantay sa kanila sa defending champion National University (NU) sa pagtatapos ng eliminations.

Kailangang-kailangan ng Green Archers ang manalo para makuha ang ikapitong panalo na maglalagay sa kanila sa playoff kontra Bulldogs para sa pang-apat at huling Final Four berth.

Sa kabilang dako, bagamat nakakasiguro na ng No.2 spot at twice-to-beat advantage papasok ng semis, hindi naman gugustuhin ng Tamaraws na muli pang matalo sa huli nilang laro sa eliminations makaraang dumanas ng dalawang dikit na kabiguan sa nakaraang dalawang laban kontra top ranked University of Santo Tomas (UST) at NU Bulldogs.

“Kailangan naming bumawi. Hindi magandang papasok kami ng Final Four na galing kami sa 3 straight losses,” pahayag ni FEU coach Nash Racela. “We need to win to perk-up the morale of the team going to the semifinal round.”

Sa kabilang dako, inaasahan naman ni La Salle coach Juno Sauler ang kaparis na larong ipinakita ng kanyang Archers sa kanilang nakaraang laban kontra UP Fighting Maroons na pinangunahan nina Jeron Teng na nagtala ng 20-puntos at Prince Rivero na tumapos na may career best 18- puntos at 16 rebound.

Ngunit, higit sa pag-step up sa kanilang laro, umaasa si Sauler na muling magpapakita ang kanyang mga players ng malaking puso para maihatid ang kanilang koponan sa asam na Final Four appearance. (MARIVIC AWITAN)