ANG Kristiyanismo marahil ang pinakamabait, makatao at maunawaing relihiyon sa buong mundo. Ang paniniwalang ito ay sumagi sa aking isipan kasunod ng kahila-hilakbot na pag-atake at walang habas na pamamaril ng walang kaluluwang mga kasapi ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Bataclan na may rock concert noon, stade (stadium), at Paris cafe na kinaroroonan ng mga tao upang mag-enjoy sa kanilang Friday Night.
Habang sinusulat ko ito, nasa 132 na ang napaulat na namatay sa karahasan ng ISIS at marami ang sugatan. Inaasahang tataaspa ito dahil grabe ang kanilang mga pinsala sa katawan. Anong uri kayo ng tao? Pumapatay kayo ng mga sibilyan na walang kamalit-malit sa inyong paniniwala, relihiyon, ideolohiya. Sumisigaw pa kayo ng Allahu Akbar (God is Great) na para bang may basbas ng Diyos o ni Allah ang inyong karahasan.
Maging ang mga aral sa Koran ay binalewala ng ISIS sapagkat ang mga tunay na Muslim na naniniwala kay Allah ay sumusunod sa pagkakapatiran, pagmamahalan, at kabutihan sa kapwa-tao. Ganito rin ang aral ng Budhismo, pagmamahal at paggalang sa kapwa, hindi pananakit o pagpatay.
Maliwanag at lantay ang aral ni Kristo. Mahalin ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili. Kapag ikaw ay binato, gantihan mo ng tinapay. Kapag sinampal ka sa pisngi, ibaling mo ang kabila bilang tanda ng pag-unawa. Sa Kristiyanismo at Katolisismo, wala ang prinsipyong “Mata sa Mata”, “Ngipin sa Ngipin.” Ang sentro at ubod ng aral ay pag-ibig sa kapwa at hindi pagpaslang sa kapwa. Kung galit ang ISIS at Al Qaeda sa western countries, tulad ng US, France, England, Germany at iba pa, sila o ang kanilang mga pinuno ang inyong labanan, hindi ang mga inosenteng sibilyan.
Marami akong naririnig na komento tungkol sa APEC 2015 Leaders’ Summit ngayon sa ating bansa. Sinasabi nila na kung sa Clark o Subic lamang ginawa ito, hindi lilikha ng istorbo sa trapiko, hindi mapeperhuwisyo ang mga negosyo at patuloy ang normal na daloy ng buhay sa buong Metro Manila.
Noong panahon ni ex-Pres. Fidel V. Ramos, idinaos ang APEC na dinaluhan ni US Pres. Bill Clinton at mga bigating lider ng iba’t ibang bansa sa Subic. Ang Metro Manila ay libre sa bigat ng trapiko, ang negosyo ay patuloy, ang mga cargo truck na may lulang mga produkto ay nakabibiyahe, at ang mga estudyante at manggagawa ay nakararating sa kanilang destinasyon.
Isipin na lang natin na mahigit sa 1,300 biyahe ng eroplano ang kinansela dahil sa APEC Meeting. Laking abala nito sa mga biyahero. Pinagbawal ang paglalayag sa Manila Bay. Bakit inirekomenda ng mga adviser ni PNoy na sa Metro Manila idaos ang pulong? Anyway, naririto na iyan at ang tanging magagawa natin ay unawain ang gobyerno, makiisa at ipamalas sa ating mga bisita ang mainit na pagtanggap ng mga Pinoy! (BERT DE GUZMAN)