“HINDI ako tumatakbo sa laban.” Ito ang bukambibig ni Manila International Airport Authority (MIAA) Chief Gen. Honrado sa mga panayam sa kanya tungkol sa mga balang nakikita sa bagahe ng mga sasakay na sana ng eroplano. Para bang ang problemang ito, na nagdudulot sa ating bansa ng kahihiyan, ay isyung patapangan. Na ang reklamo ng mga pasaherong nilalagyan ng bala ang mga bagahe ay bintang lamang laban sa kanya at sa mga empleyado ng MIAA, na ang hangarin ay siraan siya. Subalit nang talakayin ng Senado ang bintang na “tanim bala” at isa si Honrado sa mga resource person, nawala ang kanyang tapang nang tanungin na siya ng mga senador.

Eh, wala pala siyang nalalaman tungkol sa isyung ito, maliban sa nababalita na nga at binabalutan ng mga pasahero ng plastik ang kanilang mga bagahe. Kahit na umabot na sa kanyang kaalaman ay wala naman pala siyang magawa.

Iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang nasa loob ng MIAA. Meron pang Office of Transportation Security (OTS) na nilikha pala para paglagyan ng mga nagretirong pulis at sundalo. Ito ang namamahala sa screening machine na tumitingin sa laman ng mga bagahe ng mga pasahero bago sila sumakay sa eroplano. Pero ang mga ahensiyang ito na nasa loob ng MIAA ay nagtatrabaho nang malaya sa isa’t isa. Komo mga retiradong heneral ang namumuno sa mga ito, wala silang pakialaman. Kahit si Honrado na tagapamahala ng MIAA ay hindi pinakikialaman ang trabaho ng bawat ahensiya.

“Eh ano ang trabaho mo, bakit ka pa naroroon?” tanong ni Sen. Bongbong Marcos. Koordinasyon daw. Tingnan kung naaayon sa pangkalahatang layunin ng paliparan ang pagtatrabaho ng bawat ahensiya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ba sa isyu ng koordinasyon kaya nasawi ang SAF 44? Hindi raw nagkaroon ng koordinasyon ang mga sundalo at pulis nang salakayin ng mga pulis ang lugar ng kanilang target. Kaya nang mabulabog na ang lugar at binanatan na ang mga pulis, ang tulong na nararapat para sa kanila sa panahon ng kanilang kagipitan ay hindi dumating. Kahit koordinasyon lang ang tungkulin ni Honrado, naaayon ba sa pangkalahatang layunin ng paliparan ang bintang na “tanim bala” sa kanyang nasasakupan? Wala ito sa disenyo ng mabuti at mahusay na paliparan, kaya dapat ay pinakialaman na nito ang problema at naisaayos bago nagbigay ng takot sa mga pasahero at ng malaking kahihiyan sa ating bansa.

(RIC VALMONTE)