Bagamat kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pinoy na nasugatan o namatay sa pag-atake sa anim na lugar sa Paris, France nitong Biyernes, nangangamba pa rin ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa naturang siyudad para sa kanilang kaligtasan.

Ayon kay Kyrah Abad, isang Pinoy na nakabase sa Paris, hindi siya lumalabas sa kanilang kinaroroonan sa Rueil Malmaison upang makauwi sa kanyang bahay, dahil sa pangambang mayroon pang kasunod na pagsabog at pamamaril.

“I cannot go home because it is not safe. We don’t feel safe. We don’t know when and where they will attack next,” pahayag ni Abad.

Sinabi ng Pinay na posibleng tatagal pa sila ng tatlo hanggang apat na araw sa kanilang kinaroroonan hanggang hindi humuhupa ang tensiyon sa Paris.

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Tiniyak naman ni Andre Confiado, leader ng Student Association of the Philippines, na ligtas ang kanilang grupo sa ano mang kapahamakan.

Inihayag ni Confiado na inilagay na ang Paris sa state of emergency at pinayuhan ang mga mamamayan na manatili sa kani-kanilang bahay.

Tandang-tanda ng Pinoy fashion designer na si Marc Rancy ang mga detalye nang mangyari ang pagsabog sa Bd Beaumarchais at Le Bataclan, na malapit sa Rue de Turenne, na roon siya kasalukuyang naninirahan.

Aniya, walang tigil ang tunog ng sirena kasabay ng sigawan at takbuhan ng mga residente, ilan sa kanila ang duguan.

Habang ang ilang kababaihan ay nagtanggal na ng kanilang suot na high heels upang kumaripas sa ligtas na lugar.

“I have confidence in the French government that they will take actions to keep terror of this magnitude from happening again. French bureaucracy is notorious by reputation but at the end of the day, no one can deny that France do take care of its own people- including foreigners who live here,” pahayag ni Rancy. (Ces Dimalanta)