ANG Nobyembre ay Filipino Values Month, alinsunod sa Proclamation No. 479 na ipinalabas noong Oktubre 7, 1994, upang lumikha ng kamulatang moral at pambansang pagpapahalaga sa mga kaugalian sa bansa na natatangi, tunay, at positibong maka-Pilipino. Ang mga kultura, kaugalian, at ideyalismong Pilipino—pagiging maka-Diyos, makatao, makabayan, at makakalikasan—ay sumasalamin sa mayamang pamana ng kultura at kasaysayan ng ating bansa.
Ang mga ugaling Pilipino na pinahahalagahan at isinasabuhay ng mamamayan ang nagsisilbing gabay sa ating mga aktibidad, ugnayan sa kapwa, layunin sa buhay, at nararamdaman na bahagi ng ating araw-araw na pamumuhay. Ang mga kaugalian ay kinamumulatan sa sariling pamilya (gaya ng kabutihan), sa buhay na ispirituwal (pananampalataya), sa pakikipag-ugnayan sa kapwa (kababaang-loob), sa lugar ng hanapbuhay (maparaan), at sa komunidad (respeto sa batas). Ang mga kaugaliang ito na pinahahalagahan ng bawat isa sa atin ang nagbubuklod sa mga pamilya, sa mga lipunan, at sa mga bansa.
Ang pagkakaroon ng mabuting ugali ay nagsisimula at napagtitibay sa tahanan, sa eskuwelahan, at sa kapaligiran. Maaga itong naikikintal sa isipan, isinasabuhay, at hindi na nababago. Nalilinang ito mula sa mga direktang karanasan ng mga tao sa kapwa na mahalaga sa kanila, gaya ng mga magulang, mga guro, mga kaibigan, at mga kamag-aral.
Ang mga Pilipinong nangakatira sa iba’t ibang bansa sa mundo ay hinahangaan dahil sa pagtataglay ng maraming kaugalian na nakatutulong sa kanila upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay, para lumutang ang pambihirang katangiang ito sa ibang bansa: Pagbabayanihan, pagtutulungan, pagtanaw ng utang na loob, pagtitiwala sa sariling kakayahan, mahusay na ugali sa trabaho, mabuting pakikitungo sa kapwa, pagiging marespeto, pagiging relihiyoso, pagkakaroon ng tiyaga at sipag, madaling makibagay sa pagkakataon at pagiging malikhain.
Ang Pilipinas ay isang bansang labis na nagpapahalaga sa pamilya; makikita ito sa pagbibigay ng respeto sa mga magulang at sa matatanda, sa pangangalaga sa mga bata, sa pagiging mapagbigay sa mga kaanak na nangangailangan ng tulong, at sa pagyakap sa malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng pamilya. Sa pamilya humuhugot ng lakas ang mga Pilipino, kinikilala ito bilang isang mahalagang istruktura ng lipunan na kailangang alagaan at protektahan. Bibihira sa mga Pilipino ang ipinauubaya sa mga nursing home ang pag-aalaga sa kanilang matatandang kaanak; kadalasan, kahit may asawa na ang mga anak ay nakapisan pa rin ang mga ito sa mga magulang.