Mga laro ngayon
MOA Arena
2 p.m. Ateneo vs. UE
4 p.m. NU vs. FEU
FEU VS. NU, elimination round.
Isisiguro ng Far Eastern University (FEU) ang nalalabing twice-to-beat advantage habang patatatagin ang tsansa na makuha ang nalalabing Final Four slot upang masungkit ng defending champion National University (NU) sa kanilang pagtutuos ngayong hapon sa penultimate day ng elimination round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa MOA Arena, sa Pasay City.
Hawak ang barahang 10-2 panalo-talo, ang panalo kontra Bulldogs sa tampok na laro ngayong ika-4 ng hapon ang magbibigay sa Tamaraws at sesemento ng kanilang puwesto sa top two na may kaakibat na twice-to-beat incentive na ang isa ay nakuha na ng University of Santo Tomas (UST).
Kung magwawagi ngayon ang FEU at sa huling laro nito kontra La Salle sa pagtatapos ng eliminations, makukuha nila ang top spot papasok ng Final Four round.
Ngunit kung matatalo sila alinman sa NU o La Salle, magtatabla sila ng UST na siyang aangat na sa No.1 spot dahil dalawang beses nitong tinalo ang FEU sa elims.
Sakali namang walang ipanalo ang Tamaraws sa huling dalawa nitong laro at magwagi ang Ateneo sa unang laban ngayong 2:00 ng hapon kontra ousted ng University of the East (UE), ang Blue Eagles pa ang kukuha ng huling twice-to-beat incentive.
Sakali namang makasilat ang Red Warriors, kahit matalo pa ang Tamaraws sa huling dalawang laro nito sa eliminations ay sila pa rin ang magkakamit ng insentibong twice-to-beat at papasok bilang No.2 squad.
Kung matatalo naman ngayon ang Bulldogs at magwawagi ang Green Archers sa huling laban nito kontra Tamaraws, mamamaalam na ang una sa tsansang maipagtanggol ang kanilang titulo at ang Green Archers na ang kukumpleto ng Final Four cast.
Sakaling matapos ang eliminations at tabla pa din ang dalawang koponan, pag-aagawan nila ang huling Final Four berth sa pamamagitan ng playoff.