Sisimulan ngayong hapon ang unang round sa dalawang internasyunal na torneo na isasagawa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Olongapo City, Zambales.

Matapos ang dalawang linggong pagsasagawa ng national championship, bubuksan ng NCFP sa ganap na 3:00 ng hapon ang unang round ng Philippine International Chess Championship na nakataya ang Open at Challenger Divisions na sisimulan Nobyembre 9 at matatapos sa Nobyembre 14.

Agad itong susundan ng kakambal nitong torneo na Philippine Sports Commission-Puregold Chess Challenge (Open and Challenger Divisions) na isasagawa naman simula Nobyembre 16 hanggang 21 na gaganapin din sa Subic Peninsula Hotel sa loob mismo ng SBMA complex sa Olongapo City.

Sinabi ni NCFP Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales na kabuuang 19 na full-pledged grandmasters na binubuo ng 14 mula sa Europe at Asia at lima mula sa host na Pilipinas ang sasabak sa torneo na sasalihan din ng 10 International Masters at 10 Fide Masters.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pinamumunuan ng bagong tanghal na Battle of Grandmasters champion na si GM Richard Bitoon ang kampanya ng Pilipinas kung saan makakasama nito ang kapwa GMs na sina Eugene Torre, Rogelio Antonio Jr., John Paul Gomez at Darwin Laylo.

Idinagdag ni Gonzales na isang malaking pagkakataon din ang torneo upang mabigyan ng tsansa ang mga batang woodpusher na iangat ang kanilang ranking at masungkit ang pinakaaasam na titulo partikular sa bagong GM na si Haridas Pascua at naghahangad makakumpleto ng norm na sina Paolo Bersamina at WIM Janelle Mae Frayna.

“This tournament will give our young players a chance to improve their game and their ratings as well. This will also give our national and international masters, both men and women, to achieve their goals of completing their titles,” sabi pa ni Gonzales.

Nakumpleto naman ni Pascua ang kailangang tatlong norm bagaman kailangan pa nitong maabot ang ELO rating na 2500 para opisyal na makuha ang titulo bilang full-pledged Grandmaster na igagawad ng FIDE habang si Bersamina ay kailangan ng dalawa pang norm.

Si Frayna, na hangad masungkit ang kanyang ikatlo at huling norm bilang kauna-unahang Women Grandmaster ng bansa ay sasali rin naman sa Open division kasama ang tatlo pang ibang kababaihan na sina Jan Jodilyn Fronda, Catherine Perena at Bernadette Galas.

Umatras naman ang nagtatanggol na kampeon sa PSC-Puregold event na si GM Popov Ivanb ng Russia (Elo 2661) habang kabilang sa dadayo sina Zubov Alexander ng Ukraine (2630), Abhijeet Gupta ng India (2629), Lu Shanglei ng China at ang mga Russian na sina Smirnov Pavel, Mikhail Mozharov, Boris Savchenko, Vladimir Belous at Antoni Shomoev at Anton Demchenko, Chen Lin ng China at Tigran Kotanjian ng Armenia. (ANGIE OREDO)