MACALELON, Quezon - Isang dalawang taong gulang na babae ang namatay, apat ang nasugatan, at 43 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang isang bagong pampublikong palengke rito, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Quezon Provincial Risk Reduction and Management Office action officer Dr. Henry Buzar ang nasawi na si Agatha Baluyot, residente ng Barangay Masipag.
Nasugatan naman si Jayson Jerez, 27, at tatlong iba pang residente sa bayaing ito sa sunog na nagsimula dakong 1:40 ng hapon.
May 23 gusali na binubuo ng mga residential at business establishment ang natupok, habang ilan pa ang bahagyang nasira sa 50 istrukturang nasunog, ayon kay Buzar.
Kontrolado na ang apoy pagsapit ng 4:45 ng hapon, matapos magsama-sama sa pag-apula ng apoy ang mga bombero mula sa mga bayan ng Gumaca, Mulanay, Catanauan, Pitogo, Unisan, bukod pa sa rescue team mula sa Unisan at Lopez, habang agad na namahagi ng mga food pack ang provincial social welfare and development office sa mga nasunugan.
Inaalam pa ang dahilan ng sunog, na tumupok sa may P5 milyon halaga ng ari-arian. (DannyJ. Estacio)