Mga laro ngayon

Araneta Coliseum

2 p.m. UE vs. Adamson

4 p.m. FEU vs. UST

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

FEU Tamaraws vs. UST Tigers.

Habang nagkakagulo ang mga koponang nasa ibaba sa kanilang tsansa na umusad sa Final Four round, magpapakatatag naman sa kanilang kinalalagyang 1-2 spot ng team standings ang Far Eastern University (FEU) at ang University of Santo Tomas (UST) sa kanilang muling pagtutuos ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Nakakasiguro na ng twice-to-beat advantage, patitibayin ng Tamaraws ang kapit nito sa top spot habang maniniguro naman ang Tigers sa kanilang pagkapiyt sa ikalawang puwesto sa paghahangad nito ng ika-10 panalo sa pagtutuos nila ng una sa tampok na laro ngayong ikaapat ng hapon.

Mauuna rito, magtutuos naman sa pambungad na laro ang naghahabol pa rin sa huling Final Four ang University of the East (UE) at ang out of contention ng Adamson sa ikalawa ng hapon.

Tatangkain ng Tamaraws na bumawi sa nag-iisang pagkatalo na nagmantsa sa kanilang imahe na idinulot ng Tigers ng una silang magharap noong nakaraang Setyembre 9 sa iskor na 72-71.

“Definitely that would be our main goal, to get back at UST, sila na lang yung hindi namin tinatalo and that will be a big morale booster for the team going into the Final Four,” pahayag ni FEU coach Nash Racela.

Dumanas naman ng dalawang sunod na kabiguan na nagbaba sa kanila sa barahang 9-3, panalo-talo, pinakahuli sa kamay ng University of the East noong nakaraang Miyerkules sa Araneta Coliseum sa iskor na 77-91, magtatangka namang makabangon at makabalik sa kanilang winning track ang Tigers.

“Wala, ang pangit talaga ng laro namin, so we should regroup ourselves and bounce back against FEU next game,” ayon naman kay UST coach Bong de la Cruz.

Sa nasabing pagkabigo, second half na naramdaman ang laro ng kanilang team skipper na si Kevin Ferrer habang nangapa hanggang matapos ang laban ang mga beteranong kakamping sina Ed Daquioag at Louie Vigil.

“Hopefully mag-step-up silang dalawa dahil talagang kailangan yun next game,” ani De la Cruz na batid ang kinalalagyan nila ngayong alanganing sitwasyon dahil dumikit na sa kanila ang dati’y malayo pa ang hinahabol na Ateneo de Manila Blue Eagles na ngayo’y naiiwan na lamang nila ng halos isa’t-kalahating laro sa taglay nitong barahang 8-4.

Posible pang maagaw ng Blue Eagles kapag nagkataon ang second spot sa Tigers na gaya ng No.1 slot ay may bentaheng twice-to-beat papasok ng Final Four round kung maipapanalo ng una ang huling dalawang laro nito sa eliminations at mabibigo naman ang huli sa kanilang last two games.

Samantala sa unang laro, nabuhayan ng pag-asa kasunod ng huling panalo sa UST, sisikapin ng Red Warriors na maduplika ang naunang first round win kontra Falcons upang patuloy na buhayin ang pag-asang umabot ng susunod na round.

Sakaling manalo, tatabla ang UE sa defending champion National University (NU) sa ikalimang puwesto sa kartadang 5-7, panalo-talo.

Gayunman, kailangan nilang umasa na matalo ang De La Salle (5-6) sa huling tatlong laro nito para makasingit sa No.4 spot at mawalis naman ang natitira nilang dalawang laban upang makahirit ng playoff. (MARIVIC AWITAN)