Nakahanda na ang Philippine Sports Commission (PSC) katulong ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa isasagawa nito na National Sports Stakeholders Forum na nakatuon sa pagbubuo sa isang pambansang plano para mapalakas at mapaunlad ang lokal at rehiyunal na sports sa bansa na gaganapin sa Cebu City.
Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na halos karamihan sa inimbitahan nitong mga local government units (LGUs) ay positibo ang tugon sa adhikain at nagpasabi ng kanilang pag-aambag sa layunin sa pagpapadala ng kani-kanilang mga sports officials.
Una nang ipinaliwanag ni PSC Chairman Richie Garcia na nais ng ahensiya na mapalakas ang grassroots sports kung saan ay nakatuon ang programa para sa lahat ng mga kabataan sa buong bansa gayundin ang pagpapalawak ng iba’t-ibang sports na dapat na matutunan ng mas malawak na komunidad.
“Our aim is not just to integrate our program with the LGUs but also to introduce many different sports that we are capable of dominating in our kids and youth. Hindi na lang sana sa boxing, athletics at taekwondo tayo mahusay kundi pati na rin sa ibang mga sports,” sabi ni Garcia.
Matatandaan na hinimok mismo ni DILG Undersecretary for Local Government Austere Panadero sa inilabas nitong memorandum circular noong Oktubre 1 ang lahat ng provincial governors, city mayors, municipal mayors, DILG regional directors at mga sports administrators na tumulong sa adhikain para sa bansa ng PSC.
“Pursuant to its mandate provided for in Republic Act No. 6847, the Philippine Sports Commission is convening a National Sports Stakeholders Forum on November 17-18, 2015 at the Crown Regency Hotel, Fuente Osmena in Cebu City,” nakasaad sa memo.
“The forum is in line with the PSC commitment to develop and promote Philippine Sports. Relative thereto, all local Chief Executives are hereby encouraged to extend full support to the said forum by attending the event with their sports officers who are directly involved in sports planning or sports policy-making.”
Hangad ng isasagawang forum na maipakita ang pangunahing adhikan ng PSC at pagd-usapan ang Sports for All Program ng ahensiya para sa pagbabalangkas at pagsasama nito sa mga ipinapatupad na programa at aktibidad sa sports ng mga local government units para sa susunod na taon. (Angie Oredo)