Dinomina ng isang babae sa katauhan ni Women International Master Janelle Mae Frayna ang torneo na para sa kalalakihan sa pagsalo nito sa liderato sa ginaganap na open division ng 2015 Battle of the Grandmasters- National Chess Championships sa Philippine Sports Commission (PSC) Athletes Dining Hall sa Vito Cruz, Manila.

Ito ay matapos makisalo ang 4th seed na si Frayna (2204), na siyang natatanging babaeng kalahok sa open division, sa apat kataong liderato sa pagtatala ng kabuuang apat na puntos kasama sina 19th seed NM Jerad Docena (2270), 12thseed IM Haridas Pascua at ang 6th seed na si GM Richard Bitoon.

Nasa ikalimang puwesto naman si GM Rogelio Jr Antonio Jr. (2478) na may 3-puntos habang magkakasalo sa tig-2 puntos sina FM Mari Joseph Turqueza (2313), GM Darwin Layo (2484), IM Paulo Bersamina (2361) GM Eugene Torre, (2462), NM Roel Abelgas (2353) at si GM John Paul Gomez (2512).

Itinala ni Frayna, na ginagamit ang torneo upang makuha ang kanyang ikatlo at pinakahuling WGM Norm, ang pinakamalaking upset sa torneo matapos nitong biguin sa ikatlong round ang nagtatanggol na kampeon na si Torre.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una nang nakipaghati ng puntos si Frayna kay IM Paolo Bersamina at sa kasalo sa liderato na si Docena bago nito itinala ang pinakauna nitong panalo kontra sa Asia’s First Grandmaster at Chess Olympiad record holder na si Torre.

Binigo naman ni Pascua si GM Antonio sa ikatlong round matapos na makipaghatian ng puntos kina FM Turqueza at GM Gomez.

Ang 17-anyos na si Docena, na Board 2 player ng De La Salle University (DLSU) sa UAAP, ay tinalo si National Master Roel Abelgas bago nakipaghatian ng puntos kay Frayna sa ikalawang round at kay GM Laylo.

Tinalo naman ni Bitoon ang 2014 runner-up na si GM John Paul Gomez bago nagpahinga sa ikalawang round. Binigo nito si IM Paolo Bersamina sa ikatlong round upang makuha ang solidong apat na puntos. (ANGIE OREDO)